Presidente ng Brazil, kakasuhan sa palpak na tugon sa pandemya
Inirerekomenda ng isang komite sa Senado ng Brazil na kasuhan at ikulong ang presidente ng bansa na si Jair Bolsonaro para sa mga krimen nito laban sa sangkautahan kaugnay sa palpak at nakamamatay na tugon nito sa pandemyang Covid-19. Ang rekomendasyon ay nagmula sa 6-buwang imbestigasyon ng Senado sa mga hakbang ni Bolsonaro sa pagragasa ng pandemya sa bansa na inilabas noong Oktubre 20.
Ang Brazil ang may pinakamasahol na tugon sa pandemya sa buong daigdig ayon sa Lowly Institute noong Enero. Sa ngayon, umaabot na sa 21.7 milyong Brazilian ang nahawa at mahigit 600,000 ang namatay dahil sa sakit na dulot ng Covid-19.
Paunang nagmungkahi ng mga senador na ikulong si Bolsonaro nang hanggang 100 taon. Ilalabas ang pinal na rekomendasyon ng Senado ngayong araw, Oktubre 26.
Bukod sa mga krimen laban sa sangkatauhan, inirekomenda rin ng Senado na sampahan si Bolsonaro ng charlatism (pagdudunung-dunungan), pang-uudyok ng kriminalidad, pagkakalat ng nakamamatay na mikrobyo (Covid-19) at lima pang kaso. Ibinatay ng mga senador ang rekomendasyon sa “kontra-siyensya at pabaya” na mga pahayag at hakbang ni Bolsonaro.
Ang kasong krimen laban sa sangkatauhan, partikular laban sa mga katutubo ng Brazil, ay maaaring isampa sa International Criminal Court sa The Hague, The Netherlands.
Ayon sa ulat, dati nang nagpapatupad si Bolsonaro ng mga patakaran ng panggigipit ng mga pwersang panseguridad, pagpapabaya sa serbisyong panlipunan, pang-aagaw ng lupa at pandarahas laban sa mga katutubong grupo sa Brazil. Ang mga grupong ito ang nangangalaga sa Amazon, ang pinakamalawak na natitirang kagubatan sa buong mundo, na target ng ekpansyon ng mga rantso ng mga kumpanya at negosyanteng pinapaboran ni Bolsonaro. “Ginamit ni Bolsonaro ang bayrus (Covid-19) bilang “alyado” sa mga patakarang ito,” ayon sa ulat ng Senado.
“Sa pagpapabaya niyang kumalat ang bayrus… mula sa malayo ay naghasik siya ng kamatayan at pagdurusa. Ang tuluy-tuloy niyang panggigipit at sadyang pagpapabaya, kakumbina ng pandemya, ay mas masahol pa kaysa armas,” anito.
Binanggit ng ulat na pinahintulutan ni Bolsonaro na kumalat ang bayrus para abutin ang “herd immunity.” Pinahina niya ang kampanya para sa pagpapabakuna at minaliit ang mga hakbang pangkalusugan tulad ng pagsusuot ng face mask. Ikinampanya niya ang paggamit ng mga di regularisado at di rekomendadong mga gamot laban sa bayrus.
Pero ang pinakamalala niyang krimen, ayon sa mga senador, ay ang sadyang pagbabagal-bagal niya sa pagbili ng mga bakuna. Ayon sa ulat, paulit-ulit na nagpahayag ang Pfizer na bukas ito sa negosasyon bago pa nailabas ang unang mga bakuna noong nakaraang taon pero hindi ito pinansin ni Bolsonaro.
Kasamang kakasuhan ng mga senador ang tatlong pulitikong anak ni Bolsonaro na anila’y nagtayo ng isang network o sistema para magkalat ng pekeng balita at disimpormasyon kaugnay ng pandemya.
Bagaman nakagigimbal ang ulat ng Senado, inaasahang haharangin ito ng mga kaalyado ni Bolsonaro sa Kongreso at sa upisina ng Attorney General kung saan nakatakdang isampa ang mga kaso. Sa ngayon, hawak ni Bolsonaro ang mayorya ng Mababang Kapunungan at personal niyang itinalaga ang Attorney General.