Presyo ng gasolina at diesel, muling itinaas ng mga kumpanya

Itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng gasolina nang P1.20, diesel nang P1.40 at kerosin nang P1.30 simula kaninang alas-6 ng umaga. Idinadahilan ng mga kumpanya ng langis ang pagtaas sa balitang pagbabawas ng produksyon ng krudong langis ng Saudi Arabia.

Inianunsyo ng Saudi Arabia noong Hunyo 5 na simula Hulyo, babawasan nito nang isang milyon pang bariles araw-araw ang produksyon ng krudong langis. Dagdag ito sa dati nang ibinawas ng bansa na 500,000 bariles kada araw. Layunin ng Saudi Arabia na para pigilin ang pagdausdos ng presyo ng krudong langis at panatilihin ito sa minimum na $80 kada bariles sa pandaigdigang pamilihan.

Ang naturang hakbang ay huli lamang sa mga pagbabawas ng Organization of the Petroleum Exporting Countries, kasama ng Russia at iba pa o OPEC+, na sinimulan noong nakaraang taon. Noong Abril, nagkaisa ang mga bansang ito na bawasan ang produksyon ng krudong langis nang hanggang 4.6 milyong bariles kada araw.

Ayon sa mga eksperto, “bahagya” lamang ang magiging epekto ng pinakahuling pagbabawas ng Saudi Arabia sa mga bilihan ng krudong langis sa mundo. Nananatiling mas mababa ang presyo ng bilihan ng krudong langis sa mga pandaigdigang pamilihan, kumpara sa presyo nito mula nang unang ipatupad ang mga pagbabawas sa produksyon.

Sa Pilipinas, hindi isinasapubliko ng mga kumpanya sa langis ang pormula kung paano inaabot ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo tuwing tumataas o bumababa ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Malaking bahagi ng iniimport ng Pilipinas ay hindi krudong langis kundi pinroseso nang langis (refined oil).

Noong 2021, halimbawa, pangalawa sa pinakamalaking inaangkat ng Pilipinas ang repinadong langis o mga produktong petrolyo (na may halagang $9.04 bilyon). Pang-siyam lamang ang krudong langis na may halagang $1.74 bilyon dahil sa mababang kapasidad sa pagrerepina (isang planta lamang ang kasalukuyang gumagana).

Sa kabila nito, tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa. Sa nakaraang limang buwan lamang, umaabot sa P5.50 kada litro ang kabuuang itinaas ng presyo ng gasolina, P5.35 kada litro ang diesel at P7.35 kada litro ang kerosene.

AB: Presyo ng gasolina at diesel, muling itinaas ng mga kumpanya