Presyo sa pagbili ng kalabasa sa mga magsasaka, dapat itaas

Tone-toneladang kalabasa ang nabubulok sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa napakababang presyo ng bilihan nito kada kilo. Sa kasalukuyan, bagsak sa ₱3 ang isang kilo ng kalabasa sa Nueva Ecija at ₱2 kada kilo ang presyo nito sa Cotabato at General Santos City. Isinisisi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang napakababang presyo ng bilihan sa pambabarat ng mga komersyante.

Nanawagan ang KMP na bilhin ng gubyerno ang aning kalabasa at subsidyuhan ang mga magsasaka sa halip na hayaang mabulok ang kanilang mga produkto at malugi nang husto ang mga magubukid.

“Kung nagawa ng DA at Kadiwa sa sibuyas, kaya rin masubsidyuhan ang pagbili ng kalabasa direkta mula sa mga magsasaka,” ayon pa sa grupo.

Ayon sa KMP, dating nasa ₱25 kada kilo ang farmgate price ng kalabasa. Bumaba ito at naging ₱12 kada kilo bago ibinagsak ng mga komersyante sa ₱2 kada kilo. Tinatayang ₱50,000 kada ektarya ng gastos sa produksyon ng mga magsasaka sa pagtatanim ng kalabasa. Itinatanim ito mula Mayo hanggang Hulyo at Oktubre hanggang Disyembre.

Samantala, ibinebenta ang kalabasa sa palengke ng ₱30 hanggang ₱50 kada kilo.

AB: Presyo sa pagbili ng kalabasa sa mga magsasaka, dapat itaas