Balita

Pribatisasyon ng NAIA, tulak ng US at kasosyo nitong mga kumprador

Ilang araw bago ng isa na namang “brownout” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mayo 1, ibinalita ang muling pagkakabuo ng kalipunan ng ilang malalaking negosyante na nagtutulak para sa pribatisasyon nito.

Nagbigkis ang anim na pinakamalalaking burgesya-kumprador sa Pilipinas, kasosyo ang mga kapitalistang Amerikano, para kunwa’y “kumpunihin” o i-upgrade ang pangunahing paliparan sa bansa.

Nagsumite ng unsolicited proposal (o kontrata na inisyatiba ng pribadong sektor) ang Manila International Airport Consortium (MIAC). Binubuo ito ng Aboitiz InfraCapital Inc., AC Infrastructure Holdings Corporation ng pamilyang Ayala, Asia’s Emerging Dragon Corporation ni Lucio Tan, Alliance Global – Infracorp Development Inc. ni Andrew Tan, Filinvest Development Corp ng pamilyang Gotianum at JG Summit Infrastructure Holdings Corp, ng pamilyang Gokongwei.

Kasosyo ng MIAC ang Global Infrastructure Partners (GIP), isang kumpanyang Amerikano na nagpapautang at namumuhunan sa malalaking proyektong imprastruktura sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nagkakahalaga ang proyektong NAIA ng ₱100 bilyon.

Naghapag na ng parehong panukala ang MIAC noong 2018 na pinangungunahan ng Metro Pacific Investments Corporation na pinatatakbo ng burgesyang kumprador na si Manny Pangilinan.

Bukambibig ng mga burukrata ng reakasyunaryong estado, kakoro ng mga burgesya kumprador at kanilang mga dayuhang kasosyo na magiging “mas episyente” at “world class” ang anumang pampublikong yutilidad na isinasapribado. Malayo ang katotohanan nito sa Pilipinas kung saan nagbunsod lamang ang mga pribatisasyon ng mas mataas na singil at bulok na serbisyo. Ganito ang karanasan ng mamamayan sa naging pribatisasyon ng tubig, kuryente, transportasyon at sistema ng tren.

Sa ngayon, pribatisado na ang operasyon sa mga paliparan ng Cebu at Clark (Pampanga). Balak ring isapribado ng estado ang mga paliparan sa Bohol, Laguindingan (Cagayan de Oro), Bacolod, Davao, Iloilo at Puerto Princesa (Palawan.)

AB: Pribatisasyon ng NAIA, tulak ng US at kasosyo nitong mga kumprador