Protesta laban sa inutil na rehimeng Marcos, inilunsad sa ika-100 araw nito
Nagprotesta sa Mendiola sa Lunsod ng Maynila ang iba’t ibang demokratikong grupo para kundenahin ang kapalpakan ni Ferdinand Marcos Jr sa unang 100 araw ng kanyang rehimen. Bago sila makarating sa paanan ng tulay, hinarang na sila ng mga pulis.
“Ang first 100 days ni Marcos Jr ay palpak dahil puro party at pasarap siya sa buhay sa halip na tugunan ang mga panawagan naming manggagawa! Si BBM ay Bingi at Barat sa Manggagawa!” pahayag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno.
“Hirap na hirap na kaming mga manggagawa sa grabeng pagmahal ng bilihin, pero walang tugon si Marcos,” ani Adonis. Binanggit niyang walang tugon si Marcos sa panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag sahod at para solusyunan ang disempleyo na ayon sa pinaliit na datos ng estado ay nasa 2.68 milyon.
“(W)alang maipresentang plano ang gobyernong Marcos Jr. para lumikha ng regular at disenteng trabaho sa bansa,” aniya. “Kapag naman mananawagan kami ng konting kaginhawaan, ang sagot naman samin ay harassment, iligal na aresto at pagdukot, gawa-gawang kaso, at pagpatay. Saan na lang lulugar ang mga manggagawa?”
Ayon naman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, higit na paglala sa kalagayan ng agrikultura at pagtindi ng krisis sa pagkain ang hatid ng unang 100 ni Ferdinand Marcos, na umuupo ring kalihim ng Department of Agriculture.
“Nagtaasan lahat ang presyo ng bigas, gulay, asukal, karne, at iba pang pagkain. Tumaas din lalo ang gastos sa transportasyon at mga yutilidad,” ayon sa grupo. Sa kabilang banda, hindi makabuluhan ang naging pagbaba sa presyo ng pataba at krudo kaya mataas pa rin ang gastos sa produksyon. Wala ring inilaang sapat na ayuda at subsidyo sa mga magsasaka ang DA. Tinawag ng mga magsasaka si Marcos bilang “numero unong peste at pahirap” sa kanila.
“May isandaan at isang libong dahilan ang mga Pilipino upang ipagpatuloy na igiit ang kabuhayan at karapatan,” pahayag ng KMP.
Nagpapatuloy ang walang pakundangang paglabag sa mga karapatang-tao ang laman ng unang 100 araw ni Marcos, ayon sa Karapatan.
Ayon sa grupo, matingkad ang pagtindi ng “climate of impunity” sa unang 100 araw ni Marcos dulot ng kawalan ng hustisya at pananagutan sa mga paglabag sa karapatang-tao na naganap sa ilalim ng rehimeng Duterte at ng nagpapatuloy na malalalang atake sa karapatang-tao at karapatan ng mamamayan sa bansa sa tulak ng “gera kontra-droga” at kontrainsurhensya.
“Walang tigil ang ekstrahudisyal na pamamaslang, redtagging, pambabanta at intimidasyon at iba pang atake ng estado laban sa mamamayan at komunidad na lumalaban, kahit sa gitna ng papalalang epekto ng krisis sa ekonomya sa mayorya na naghihirap,” ayon sa grupo. Binatikos din ng grupo ang pagtanggi ng rehimeng Marcos na muling pumaloob sa International Criminal Court at parusahan ang nagdaang rehimeng Duterte sa napakarami nitong krimen laban sa mamamayan.
Ayon sa Bayan, ginamit lamang ni Marcos ang unang 100 niya para sa “pagpupostura, retorika at pagpapapogi, at hindi sa pagresolba ng mga problema.” Dala ng protesta ang panawagan nitong “100 araw ng kawalang tugon sa krisis: Marcos, hirap na ang mamamayan!”