Balita

Rali ng mga estudyante kontra-pribatisasyon ng PUP, dinahas ng pulis

Marahas na binuwag ng mga pulis ang rali ng mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa House of Representatives sa Quezon City noong Pebrero 12. Nagprotesta ang mga kabataan laban sa noo’y dinidinig na National Polytechnic University (NPU) Bill na anila ay magbibigay-daan sa ibayong pribatisasyon at komersyalisasyon ng edukasyon sa unibersidad.

Binatikos nila ang Kongreso, hindi lamang sa pagsusulong sa panukala, kundi ang pagkakait sa representasyon ng mga estudyante ng PUP para lumahok sa deliberasyon. Ayon sa mga grupo, na pinangunahan ng Sentral na Konseho ng mga Mag-aaral sa PUP, imbes na pag-usapan ang pribatisasyon sa pamantasan, dapat na lamang dagdagan ang pondo nito para mas maraming estudyante ang makapasok dito.

Nasaktan at nasugatan ang ilang mga estudyante na kalahok sa protesta na magdaraos sana ng programa sa harap ng Kongreso. Higit 50 pulis ang humarang sa protesta at nambatuta nang walang pakundangan.

Binatikos ng mga grupo ng karapatang-tao ang karahasang ito ng pulis laban sa mga kabataan. Nagsalita rin si Mayor Joy Belmonte ng Quezon City na tumuligsa sa ginawang pagbuwag ng rali.

Sa kabila nito, naigiit ng mga estudyante ng PUP na makapasok sa pagdinig ang ilang kinatawan ng mga grupo para igiit ang kanilang pusisyon at pagtutol. Nakapasok si Kim Modelo ng PUP Office of the Student Regent at SAMASA PUP Chairperson Ronjay Mendiola.

Noong hapon sa araw na iyon, nagprotesta rin ang mga estudyante sa PUP-Santa Mesa para irehistro ang pagtutol sa naturang panukala.

AB: Rali ng mga estudyante kontra-pribatisasyon ng PUP, dinahas ng pulis