Balita

Raling-iglap, inilunsad ng KM-Southern Tagalog sa UP-Los Baños

,

Bitbit ang mga bandila ng Kabataang Makabayan (KM), Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), nagraling-iglap ang mga kasapi ng KM-Timog Katagalugan (TK) sa kampus ng University of the Philippines (UP)-Los Baños noong Disyembre 19. Bahagi ang rali ng pagdiriwang ng KM sa ika-59 na anibersaryo nito noong Nobyembre 30 at nalalapit na ika-55 anibersaryo ng PKP sa Disyembre 26.

Binasa ng isang kasapi ng KM-TK ang talumpati ng tagapagsalita ng grupo na si Karina Mabini. “Sa ika-59 na taon ng pagkatatag ng Kabataang Makabayan, nanatili ang pagtindig at paglahok ng mga kabataan ng Timog Katagalugan sa pagsulong sa pambansa demokratikong rebolusyon!” ayon sa pahayag.

Ayon kay Mabini, nagsusumikhay ang KM sa rehiyon sa iba’t-ibang larangan ng gawain upang maging mahuhusay na rebolusyonaryo at kadre ng pambansang demokratikong rebolusyon upang gamitin ang kanilang kagalingan para sa pagpapabagsak ng tatlong salot ng lipunan: ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.

“Nagbubunga ang ganitong pambansang kalagayan ng nagbabagang himagsikan. Sa harap ng matinding krisis at pasismo, armadong rebolusyon ang landas sa pagpapapalaya ng bayan,” giit ni Mabini.

Ilang linggo bago ang iglap-protesta, nagsagawa ng Oplan Pinta-Oplan Dikit ang mga kasapi ng KM at kapwa alyadong rebolsuyonaryong organisasyon nitong Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas) sa loob ng kampus ng UP-Los Baños. Ipininta nila sa iba’t ibang bahagi ng kampus ang mga panawagan kaugnay ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan at paglahok dito ng mamamayang api.

Ayon sa pahayagang pangkampus ng mga mag-aaral ng UP-Los Baños, huling nagkaroon ng iglap-protesta ang KM sa loob ng kampus nito noong 2019.

AB: Raling-iglap, inilunsad ng KM-Southern Tagalog sa UP-Los Baños