Rep. Arlene Brosas ng GWP, nag-anunsyong tatakbo para sa Senado

,

Pormal na inianunsyo ngayong araw, Hulyo 16, ni Rep. Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party (GWP) ang kanyang kandidatura para sa Senado sa halalang 2025. Si Brosas ang kasalukuyang Assistant Minority Leader sa Kongreso.

Siya ang pangalawang kandidato na tatakbo sa ilalim ng koalisyong Makabayan. Una nang nag-anunsyo si Rep. France Castro ng ACT Teachers’ Partylist.

“Ang desisyon na ito ay tulak sa pangangailangang ipagtanggol ang karapatan ng kababaihan sa gitna ng mga pang-aatake ng mga patakarang patriyarkal at kontra-kababaihan,” pahayag ni Brosas sa kanyang press conference na dinaluhan ng iba’t ibang organisasyong kababaihan. Nagpasalamat siya sa “komite ng isangdaan” na kumakatawan sa kababaihan at LGBTQ+ sa iba’t ibang sektor na babalikat sa pagdadala ng Gabriela mula Kongreso tungong Senado

“Gabriela sa Kongreso, Dalhin sa Senado,” ang nagkakaisang panawagan ng mga grupo. Hindi nagpatinag ang mga grupo ng kababaihan at ang koalisyon sa ginawang panggigipit sa unang kandidato nitong pagkasenador na si Castro. Isang araw bago ang pag-anunsyo ni Brosas, inilabas ng korte sa Tagum City ang hindi makatarungang hatol na nagkasala si Castro, kasama ang dating kinatawan ng Bayan Muna na si Satur Ocampo, at 16 pang iba sa gawa-gawang kasong child abuse.

Si Brosas, 47-taong gulang, ay galing sa pamilyang mangingisda at magsasaka. Nagtapos siya ng elementarya at hayskul sa University of the Philippines Integrated School at sa UP Diliman sa kursong Philippine Studies. Nagturo siya ng Philippine Literature sa UP Baguio at UP Manila.

Itinalaga siyang kinatawan ng GWP sa Kongreso noong 2016. Bago nito, aktibo siya sa iba’t ibang kampanyang pangkababaihan at para sa bata sa pambansang kabisera.

AB: Rep. Arlene Brosas ng GWP, nag-anunsyong tatakbo para sa Senado