Balita

Mga estudyante ng FEU, nagprotesta para sa Palestine

Nagpiket sa harap ng Far Eastern University (FEU) sa Morayta, Manila ang may 30 estudyante at myembro ng Tamaraws for Palestine (T4P) noong Hulyo 15 para ipahayag ang kanilang suporta sa mamamayang Palestino at kanilang pakikibaka para sa pambansang paglaya. Binatikos ng T4P ang nagpapatuloy na kampanyang henosidyo ng Zionistang estado ng Israel, na suportado ng imperyalismong US, laban sa mga Palestino sa Gaza Strip.

Ayon sa grupo, isinagawa nila ang protesta para ipabatid sa kanilang mga kapwa estudyante sa FEU ang nangyayari ngayon sa Gaza. Sa huling tala ng Health Minstry ng Gaza, hindi bababa sa 38,713 katao na ang napatay sa pag-atake at walang-tigil na pambobomba ng Israel mula Oktubre 7, 2023. Samantala, 89,166 naman ang naitalang nasugatan at daan-daanlibo ang napalayas.

Pinakahuli sa serye ng pag-atake ng Israel ang paghuhulog nito ng bomba mula sa ere sa al-Mawasi, isang sentro ng ebakwasyon kung saan nakasukob ang 80,000 bakwit na Palestino, sa hangganan ng Khan Younis at Rafah noong Hulyo 13.

Nagresulta ito sa pagkamatay ng 90 Palestino at pagkasugat ng mahigit 300 pa. Limang bomba at limang misayl ang ibinagsak sa mga tent ng mga nasawi. Tinamaan rin ang pasilidad ng maiinom na tubig ng mga bakwit. Ang binombang erya ng Israel ay kabilang sa mga “ligtas na sona” sa Gaza na mismong ang Zionistang estado ang nagtakda.

Matapos ang programa at mga talumpati, nagtirik ng kandila ang mga myembro ng T4P bilang simbolo ng kanilang paghahangad ng hustisya at pag-alala sa mga nasawi sa henosidyo sa Gaza. Sinundan nila ito ng isang talakayan kasama ang ibang mga estudyante ng FEU.

Anang grupo, “hindi dapat manahimik ang mga estudyante…gamitin natin ang ating boses para punahin ang mga nang-aapi at magsalita para sa mga inaapi.”

AB: Mga estudyante ng FEU, nagprotesta para sa Palestine