Resolusyon para sa pakikipagtulungan sa ICC, inaprubahan ng 2 komite sa Kongreso
Inaprubahan kahapon, Nobyembre 29, ng mga komite sa hustisya at sa karapatang-tao ng Kongreso ang resolusyon na nagtutulak sa gubyeno ni Ferdinand Marcos Jr na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Rodrido Duterte at kanyang mga kasapakat sa “gera kontra-droga.”
Pinagsanib sa isang resolusyon ang borador na inihapag ng grupong Makabayan noong Oktubre 17 at ni Rep. Edcel Lagman noong Nobyembre 21.
Nagharap sa pagdinig ang dating Rep. Neri Colmenares, umaaktong abugado ng mga pamilyang nagsampa ng kaso sa ICC, at Menardo Guevarra, kasalukuyang solicitor general at kalihim sa hustisya ng dating rehimeng Duterte.
Isa sa mga idiniin ni Colmenares sa pagdinig ang isang desisyon ng Korte Suprema na nagsasaad na nananatiling saklaw ng awtoridad ng internasyunal na korte ang mga krimeng naganap sa Pilipinas sa mga panahong myembro ito ng ICC. Inianunsyo ang pag-alis ng Pilipinas sa ICC noon lamang 2018 at nagkabisa sa sumunod na taon, habang ang sinaklaw na mga kaso laban kay Duterte ay mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.
Ayon kay Colmenares, nananatili ang kawalang-tiwala ng mga biktima sa sistema ng hustisya sa Pilipinas kahit pa maari nang kasuhan si Duterte sa mga lokal na korte.
Nagkaisa rin ang dalawang komite ng Kongreso na ikoordina ang resolusyon sa Senado para buuin ang isang pinasanib na resolusyon (Joint Concurrent Resolution) ng dalawang kapulungan. Naghain sa Senado ng katulad na resolusyon si Sen. Risa Hontiveros.
Bago ang pagdinig, sinabi na ni Marcos Jr na “pinag-aaralan” ng kanyang gubyerno ang posibilidad ng muling pagbabalik ng bansa sa ICC. Pero kasabay nito, itinatanggi niyang sasaklawin ng ICC ang “gera kontra-droga” ni Duterte.
Bahagi ang pagdadalawang-mukha ni Marcos ng tumitinding hidwaan sa pagitan ng kanyang pangkatin at ng pangkating Duterte.