Sapat na produksyon, sagot sa napipintong kasalatan sa pandaigdigang suplay ng bigas

Napipinto ang kasalatan ng suplay ng bigas sa buong mundo ngayong 2023, ayon sa isang pananaliksik ng Fitch Solutions Country Risk & Industry Research na may petsang Abril 4. Sa taya ng Fitch, posibleng umabot sa 8.7 milyong tonelada ang kukulangin sa suplay. Huling nagkaroon ng malaking kakulangan sa suplay noong 2004.

Kabilang sa ibinigay na salik ng Fitch ang nagaganap na gera sa Ukraine at ang mabibigat na sangsyon ng US sa Russia, pati na ang mga pagbaha sa China, isa sa mayor na prodyuser ng palay sa buong mundo. Dahil dito, mananatiling mataas ang presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan hanggang 2024.

Ayon sa mga Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), dapat pagtuunan ng pansin ng DA ang pagbili ng lokal na palay para makamit ang self-sufficiency sa bigas, imbes na umasa ulit sa importasyon. Lalo itong nagiging kagyat sa harap ng napipintong kasalatan sa pandaigdigang pamilihan. Dagdag pa sa mga kailangang harapin ang El Nino na tinatayang magtatagal nang anim na buwan.

Ayon pa sa KMP, kailangang palakihin ng National Food Authority ang bolyum ng binibili nitong palay sa mga magsasaka hanggang 25% sa kabuuang ani at itaas ang presyo ng pagbili nito tungong P20 at pataas. Anito, kayang punan ang kakulangan ng buffer stock ng NFA sa pamamagitan ng pagbili ng 520,00 metriko toneladang lokal na palay. Kasabay nito, kailangang ibasura ang Rice Liberalization Law na nagtatali sa suplay ng bigas sa Pilipinas sa pandaigdigang pamilihan.

Sa Pilipinas, mas mababa nang 18% ang naaning palay noong 2022 kumpara sa 2021 ayon sa estadistika ng reaksyunaryong estado. Ito ay dulot ng pagsirit ng gastos sa produksyon, kabilang ang pataba, at napakababang pagbili ng palay. Salik rin ang mga pagbaha na dulot ng papalakas at papadalas na bagyo.

Sa kasalukuyan, may sapat na suplay ang bansa hanggang Hulyo, ayon sa datos na nakalap ng Samahang Industriya ng Agrikultura. Bago nito, nasa 16.4 milyong toneladang palay lamang ang naani noong 2022. Dagdag dito ang 3.8 milyong tonelada na inimport na bigas. Sa bilang na ito, 1.765 milyong tonelada lamang ang natirang “buffer stock” para sa 2023. Sapat lamang ito para sa 48 araw na pangangailangan ng buong bansa. Sa ulat naman ng DA, mayroong sapat na suplay ang bansa para sa 51 araw. Mas mababa ito kumpara sa abereyds na buffer stock na sapat para sa 80 hanggang 100 araw (3 buwan) noong katapusan ng Marso.

AB: Sapat na produksyon, sagot sa napipintong kasalatan sa pandaigdigang suplay ng bigas