Sapilitang pagpaparehistro ng SIM, muling napatunayang palpak laban sa mga scam at cybercrime

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Halos dalawang taon matapos isabatas ang sapilitang pagpaparehistro ng mga SIM Card para sawatain diumano ang mga text scam at cybercrime ngunit lalo lamang dumami ang nabibiktima ng mga ito. Hindi ito maitatanggi kahit ng mga senador na bumoto para rito.

Sa isang press conference noong Hunyo 7, inamin ni Aquilino Pimentel III, isa sa mga bumoto para sa sapilitang SIM registration, na posibleng ang “bagong teknolohiya” na ginagamit para sa SIM registration ang siya ring ginagamit para sa pagpapalaganap ng mga text scam. Naging batas ang SIM Registration Act (Republic Act No. 11934) noong 2022.

“Sana hindi ito nangyayari, pero sabi niyo marami ang nabibiktima, so we have to review kung ano ba ang butas. Tingin ko technology na ang ginagamit eh, technology na ang ginagamit para ma circumvent po ang batas natin,” pahayag ni Pimentel III.

Nagtutulak siya ngayon ng pagdinig sa senado para “amyendahan” ang batas na dati nang tinututulan at ipinababasura ng mga grupong nagsusulong ng karapatan sa pribasiya at digital rights.

Gayunman, matagal nang iginigiit ng mga grupong tagapagtanggol ng karapatan sa pribasiya na dapat ibasura ng SIM registration. Noon pa man, sinabi na nila na walang epekto ang kahit gaano karaming pagdinig na isasagawa ng senado dahil napatunayan nang hindi epektibo ang sapilitang pagpaparehistro ng SIM laban sa mga cybercrime.

Noong nakaraang taon, imbes na ibasura, nilayon pa ng Senado na dagdagan ang datos na nililikom ng estado at ng mga pribadong kumpanya sa telekomunikasyon para maging “epektibo” ang batas. (Kabilang dito ang pagpapasumite ng litrato ng SIM card user.) Kinontra ito noon ng Junk SIM Registration Network na nagsabing hindi katanggap-tanggap ang ganitong mga “pag-aayos” sa batas.

“Ang batas sa pagpaparehistro ng SIM ay hindi maaaring “ayusin” nang walang malubhang implikasyon sa ating karapatan sa pribasiya at komunikasyon,” pahayag ng grupo noong nakaraang taon. Tinawag nitong “mass surveillance” ang batas dulot ng napakaraming datos na sapilitan nitong nililikom mula sa mga SIM card user.

Papalaki ang bilang ng mga cybercrime mula nang isabatas ang sapilitang pagpaparehistro ng mga SIM. Ayon mismo sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group, tumaas ang bilang ng mga kaso ng cybercrime nang 21.84% sa unang kwarto ng 2024 kumpara sa huling kwarto ng 2023. Sa pagitan ng 2022 at 2023, tumaas naman ito nang 53%.

AB: Sapilitang pagpaparehistro ng SIM, muling napatunayang palpak laban sa mga scam at cybercrime