Sayaw-protesta laban sa abuso at karahasan sa kababaihan, inilunsad
Inilunsad ng mga grupo at organisasyon sa iba’t ibang panig ng bansa noong Pebrero 14 ang taunang sayaw-protesta na One Billion Rising (OBR) na kampanya laban sa abuso at karahasan sa kababaihan. Ang OBR ay isang pandaigdigang kampanya na naglalayong labanan at wakasan ang anumang uri ng pagsasamantala, pang-aabuso, at panggigipit sa mga bata, kababaihan, at LGBTQIA+.
Pinangunahan ng grupong Gabriela, pambansang alyansa ng mga kababaihan, ang pangunahing aktibidad ng OBR sa Pilipinas na isinagawa sa Unversity of the Philippines (UP)-Diliman. Uminog ang kanilang aktibidad sa temang “Rise for Freedom–Be The New World.”
Tinalakay sa pagtitipon ang mga isyung kinakaharap ng kababaihan. Binigyang pugay din sa programa ang natatanging mga kababaihan na nag-alay ng lakas at talino para sa pagsusulong ng paglaya at kagalingan ng kababaihan at bayan.
Ayon pa sa mga grupo, malinaw na hindi hiwalay ang laban ng kababaihan sa laban ng mga pinakapinagsasamantalahan sa lipunan sapagkat nakaugat sa parehong mga suliraning hinaharap ng sambayanan ang kanilang nararanasan. Kabilang sa mga isyung ito, anila, ang karapatan ng mga magsasaka sa tunay na reporma sa lupa, at ang karapatan ng manggagawa sa regular na trabaho, ligtas na lugar-paggawa, at nakabubuhay na sahod.
Pinatampok din nila sa aktibidad ang pagtutol ng kababaihang Pilipino sa charter change ng rehimeng Marcos. Nanawagan din sila ng pagwawakas sa henodisyo sa mga Palestino ng Zionistang Israel kung saan libu-libong kababaihan, mga bata at buntis ang pinaslang.
Nagsagawa rin ng mural painting ang mga myembro ng Tambisan sa Sining at ibang mga indibidwal at grupong nakikiisa sa kampanyang OBR sa loob ng kampus ng UP-Diliman. Isinagawa rin ang mga aktibidad ng OBR sa iba’t ibang ahensya ng gubyerno, pamantasan at unibersidad at iba pang mga institusyon sa bansa.