Seguridad sa trabaho at benepisyo, giit ng mga manggagawa ng Universal Weavers Corporation

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Suportado ng Nagkakaisang Manggagawa ng Freeport Area of Bataan (NMFAB) at Workers Alliance in Region III (WAR 3)-Kilusang Mayo Uno (KMU) ang laban para sa seguridad sa trabaho at karampatang benepisyo ng mga manggagawa ng Universal Weavers Corporation (UWC), isang pagawaan sa Freeport Area of Bataan, Mariveles, Bataan. Halos isang taon nang nakakategoryang “force leave” ang naturang mga manggagawa. Noon pang maagang bahagi ng 2023 sila pinatigil sa trabaho.

Pagdadahilan ng kumpanya, wala nang “pinagagawa at order” sa kanila kaya hindi na sila pinapasok sa pabrika. “Hindi na bago at lumang tugtugin na ang lahat ng ito ng mga kapitalista. Dati nang sinasabi ng manggagawa ang lahat ng iyan para magbigay katwiran sa “force leave,” ayon sa NMFAB.

Naniniwala ang NMFAB na mayroong pumapasok na order sa kumpanya pero mas pinipili nito na dalhin sa Cambodia ang produksyon dahil mas mura ang pasahod doon. Umiiwas din ang kumpanya sa kanyang pananagutan sa mga manggagawa, giit ng grupo. “Maraming pagdadahilan (na ibinibigay) ang maneydsment para isalba ang tubo nito at takasan ang responsibilidad sa mga manggagawa sa sahod at benepisyo,” anila.

Dahil sa malawakang at matagalang “force leave,” napilitan ang maraming manggagawa na tuluyan na lamang mag-resign. Nangangamba silang tuluyang isara ng kapitalista ang kumpanya.

Nagpapapirma rin ang maneydsment sa mga manggagawa ng isang waiver na naglalaman na sumasang-ayon sila na maghanap ng ibang trabaho kahit naka-force leave sila. Malaki ang posibilidad na isa itong panlilinlang sa kanila sapagkat ayon sa batas hindi pwedeng magtrabaho ang isang manggagawa sa ibang kumpanya sa panahon na naka-force leave dahil kinakaltasan pa rin ng SSS ang kanilang sahod.

“Maaari rin magbigay daan ito sa kapitalista para lusawin ang years of service ng mga manggagawa at ligal na tanggalin sila sa pabrika nang hindi nakakakuha ng separation pay,” paliwanag pa nito. Paglabag ang mga ito sa karapatan ng mga manggagawa sa sahod, trabaho at karapatan, giit ng NMFAB.

Sa harap nito, naniniwala ang NMFAB na higit na dapat magkaisa at labanan ng mga manggagawa ang mga pakana ng kapitalista. Hinamon ng grupo ang Universal Weavers Corp. Workers Association-Confederation of Filipino Workers (UWCWA-CFW), unyon sa pagawaan, na pangunahan ang laban at maging boses ng mga manggagawa. May karapatan ang mga manggagawa na sampahan ng kaso at sama-samang panagutin ang kumpanya sa iligal na tanggalan, anito.

“Dapat ipakita ng manggagawa sa pangunguna ng unyon na handang ilaban ang karapatan kahit pa umabot pa ito sa pagdadaos ng welga. Ito ang tamang panahon para ipakita na handa ang unyon na tiyakin ang seguridad sa trabaho ng kanyang mga kasapi at asikasuhin sila,” ayon pa sa grupo.

“Ang ganitong kalagayan ng mga manggagawa sa bansa ay sintomas ng isang malubhang sakit ng sistema kung saan ang mga manggagawa ay hindi natatamasa ang nakabubuhay na sahod, karapatan, at seguridad sa trabaho,” ayon naman sa WAR 3-KMU.

Ang UWC ay nagmamanupaktura ng mga medikal at thermal na kumot, gown, uniporme, at iba pang mga tela na may gamit medikal. Pinakamalaki itong kumpanyang nagmamanupaktura ng medical bath blanket at linen sa buong Asya.

AB: Seguridad sa trabaho at benepisyo, giit ng mga manggagawa ng Universal Weavers Corporation