Balita

Separation pay, giit ng mga manggagawa ng Chun Chiang Enterprises sa Bataan

Muling ipinanawagan ng mga manggagwa ng kumpanyang Chun Chiang Enterprises Manufacturing Incorporated (CCEMI) na ibigay na sa kanila ang kanilang separation pay. Labis na itong naantala mula nang magsarado ang kumpanya dahil sa umano’y pagkalugi noong 2022 sa kasagsagan ng pandemya. Nagpoprodyus ang kumpanya ng mga trousers at slacks para sa lalaki.

Pag-aari ang pagawaan ng kumpanyang German na Bültel Group. Sa impormasyon ng kumpanya sa website nito, itinayo ang pagawaan ng kumpanya sa Pilipinas noong 1976. Mayroon umano itong 650 manggagawa.

Sa bukas na liham ng mga manggagawa ng CCEMI, iginiit nila sa Philippine Trade & General Workers Organization (PTGWO), kasapi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at IndustriALL, na kagyat nang ibigay ang napirmahang liham sa pandaigdigang upisina ng IndustrialALL. Ayon sa kanila, kinakailangan ang pirma ng pangulo ng PTGWO para maiproseso na ang paghahabol nila sa kanilang employer at separation pay.

Nagpahayag ng pakikiisa at suporta ang Nagkakaisang Manggagawa ng Freeport Area of Bataan (NMFAB) sa nasabing laban ng mga manggagawa. Anang grupo, “Hinihikayat namin ang PTGWO na tugunan ang kahilingan ng mga manggagawa upang sa gayon ay makamit na nila ang karampatang bayad na kanilang pinaghirapan sa loob ng CCEMI.”

Liban dito, idiniin ng NMFAB na dapat mapanagot ang CCEMI sa sinapit ng mga manggagawa. Ibinahagi ng grupo na liban pa sa pagkakait sa separation pay ng mga manggagawa ay pinagbawalan ng kumpanya ang mga kasapi ng unyon ng CCEMI na makapagtrabaho sa loob ng Freeport Area of Bataan.

Dapat din umano itong magsilbing paalala sa iba pang mga manggagawa sa loob ng Freeport Area of Bataan. “Nagpapatunay [ito] na kailangang maging mapagbantay sa lahat ng kumpanya na nagsasabing sila ay nalulugi at magsasara,” ayon sa grupo. Mahalaga umanong pahigpitin ng mga manggagawa ang kanilang pagkakaisa at itayo ang mga unyon na siyang nagsusulong ng karapatan sa sahod, trabaho at benepsiyo.

AB: Separation pay, giit ng mga manggagawa ng Chun Chiang Enterprises sa Bataan