Sibilyan, tinutukan ng baril; mga bahay, niransak ng 62nd IB sa Moises Padilla
Tinutukan ng baril sa ulo ng mga sundalo ng 62nd IB at pulis ng Special Action Force (SAF) si Johnny Dela Pena, isang residente ng Sitio Ngalan, Barangay Macagahay, Moises Padilla, Negros Occidental noong Agosto 23 kasabay ng iligal na paghalughog ng mga sundalo sa kanyang bahay.
Liban dito, niransak din ng mga sundalo ang bahay nila Eboy Pitulan, Jonard Pitulan, Tornie Pitulan at ni Linda Villacoher, pawang mga magsasaka at residente sa naturang lugar.
Kinundena ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros ang paghahasik ng takot ng mga sundalo at intimidasyon sa mga magsasaka.
“Imbes na solusyunan ang problema ng malapad na masa ng mamamayan sa kinakaharap na krisis sa ekonomya… pasismo at terorismo ang sagot ng rehimen,” pahayag ni Ka JB.
Iniulat din ng yunit ng hukbong bayan ang nagpapatuloy na operasyong militar ng 62nd IB sa mga sityo ng Agogolo, Cupad, Mantauyan at Inangao sa Barangay Macagahay. Hinahalihaw din ng mga sundalo ang Sitio Cambairan at Bongao sa Barangay Trinidad, Guihuingan City.