Simbahan at templo, binomba ng pasistang tropa ng Myanmar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Labinlima ang napatay, kabilang ang ilang madreng Buddhist at mga bata, nang bombahin ng pasistang tropa ng Myanmar ang bayan ng Zayatgyi sa rehiyon ng Bago mula Pebrero 7. Ganting salakay ang mga pambobomba sa isinagawang reyd ng Karen National Liberation Army (KNLA) at mga alyado nitong armadong grupo sa hedkwarters ng 73rd Light Infantry Battalion at ng pulis sa naturang bayan.

Tatlong madre na Buddhist at isang bata ang kabilang sa mga naiulat na napatay nang paulanan ng bala ng mga eroplano ng hunta ang Thayet Taw Monastery noong Pebrero 7. Anim na residente naman ang kumpirmadong napatay sa pambobomba sa bayan ng Ingyinthar, kung saan nakabase ang 73rd IB. Ilang mga bata rin ang naiulat na nasugatan sa walang patumanggang pambobomba. Mahigit 3,500 residente ang napilitang lumikas.

Bago nito, 17 ang napatay nang bombahin ng pasistang Tatmadaw noong umaga ng Enero 7 ang isang simbahan sa rehiyon ng Sagaing. Kabilang sa mga biktima ang dalawang bata, na noo’y kasama ang kanilang mga kaanak na nagsisimba sa St. Peter Baptist Church sa baryo ng Kanan. Di bababa sa 20 ang naiulat na sugatan.

Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao ang pambobomba, na anila’y huli lamang sa mahabang listahan na ng mga krimen sa digma ng Tatmadaw, ang reaksyunaryong armadong pwersa na umagaw ng kapangyarihang pampulitika noong 2021.

“Walang patid ang nakamamatay sa mga sibilyan na mga atake ng militar ng Myanmar,” ayon sa isang upisyal ng Amnesty International. “Dapat imbestigahan ang mga ito bilang mga krimen sa digma.” Aniya, dapat idulog ito ng International Criminal Court para mapananagot ang mga salarin.

Tatlong taon nang nagdurusa ang mamamayan ng Myanmar sa ilalim ng hunta, na hindi lamang pasista, kundi nagdala rin ng matinding paghihirap sa buhay at kabuhayan ng mga taga-Myanmar.

Di bababa sa 4,485 sibilyan ang naiulat na napatay sa mga pang-aatake ng hunta. Tinatayang 2.6 milyon na ang napalayas sa kanilang mga komunidad dahil sa brutal na mga pambobomba mula sa ere.

Noon pang 2018, bago pa inagaw ng hunta ang estado-poder, nanawagan na ang Special Advisory Council on Myanmar, isang komite na binuo ng UN, ng pagsasampa ng mga kasong henosidyo, krimen laban sa sangkatauhan at krimen sa digma laban kay Min Aung Hlaing, lider ng kudeta, kasama ang matataas na upisyal ng militar para sa kanilang deka-dekadang pasistang pananalasa sa Myanmar.

AB: Simbahan at templo, binomba ng pasistang tropa ng Myanmar