Simbahang Katolika, tutol sa panunulsol ng "proxy war" sa West Philippine Sea

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa isang panayam ng midya noong Mayo 19, inilahad ni Bishop Pablo Virgilio David, presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang paninindigan ng simbahang Katolika laban sa tumitinding girian sa pagitan ng US at China sa West Philippine Sea. Kasabay nito, ipinahayag niya ang pakikiisa ng simbahan sa masang mangingisda na labis na apektado sa naturang girian.

Ayon sa obispo, dapat itulak ang isang mapayapang solusyon sa tunggalian, at hindi ang mga “pinagsanib na pagpapakitang-gilas na militar.” Pinakatampok sa mga ito ang katatapos lamang na Balikatan war game ng US na lalong nagpataas ng tensyon sa South China Sea.

Sang-ayon ang obispo sa ginawang paglalayag ng mga mangingisdang Pilipino, kasama ang mga grupong sibiko, para maghatid ng suplay sa mga mangingisdang nasa Scarborough Shoal noong Mayo 14. Ito anya ang mas mahusay na paraan para ipakita ang pagkakaisa at pagtatanggol ng soberanya ng bansa laban sa China.

Nagbabala siya laban sa mga gustong isangkot ang mamamayang Pilipino sa isang “marahas na proxy war” kung saan ang tanging makikinabang ay ang mga mayor na industriya sa armas.

AB: Simbahang Katolika, tutol sa panunulsol ng "proxy war" sa West Philippine Sea