Balita

Summit of Democracies: Demokrasya ayon sa dikta ng imperyalismong US

,

Sa darating na Disyembre 9 at 10, titipunin ng US ang 110 bansang itinuturing nitong mga “demokrasya” sa isang pagpupulong na tinaguriang “Summit of Democracies” (Pagpupulong ng mga Demokrasya). Layunin umano ng pagpupulong na ito ang labanan ang awtoritaryanismo at itaguyod ang mga “karapatan at kalayaan” sa buong mundo.

Gayunpaman, imbitado rito ang mga bansang itinuturing mismo ng US na “awtoritaryan” at may “problematikong rekord sa paggalang sa mga karapatang-tao.”

Kabilang sa imbitado sa pagtitipon ang Pilipinas at Israel na pawang pinamumunuan ng mga despotikong may malalalang kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Parehong may nakasampang kaso ang Pilipinas at Israel sa International Criminal Court.

Imbitado rin sa pagpupulong ang Brazil, Colombia, Chile at India – mga bansang naging sentro ng malalaking protesta ngayong taon dahil sa laganap na korapsyon, kainutilan sa pagharap sa pandemya, paghihirap ng masa dahil sa mga patakarang neoliberal, krimen laban sa sangkatauhan at madudugong panggigipit sa mga humahamon sa mga nakaupong presidente. Bagamat tutok ng pagpupulong ang “promosyon ng mga karapatan at kalayaan,” walang “kundisyon” o hinihinging komitment ang US sa mga bansang ito.

Malinaw na ang pagtitipon ay hindi para sa “demokrasya” kundi bahagi ng konsolidasyon ng US sa mga alyado, malakolonya at kolonya nito laban sa China, Russia at lahat ng itinuturing nitong bansang “di demokratiko.” Ayon sa ilang tagasuri, kahit ang pag-imbita sa Pilipinas at India ay dulot ng heograpikal at pulitikal na “pagkamalapit” ng mga ito sa China. Inimbita rin ng US ang Taiwan bilang “obserber” sa pagpupulong bilang direktang hamon sa ugnayang diplomatiko nito sa China.

Itinakwil ng Russia at China, parehong di imbitado, ang pagpupulong. Anila’y nagtutulak ito ng “kumprontasyong ideolohikal.” Ayon sa pinag-isang pahayag na inilabas ng mga ambasador ng dalawang bansa, binibigyan ng US ang sarili nito ng awtoridad na itakda kung anu-anong bansa ang “demokratiko.” Anila, walang karapatan ang anumang bansa na husgahan ang “malawak at samutsaring kaayusang pampulitika batay sa iisang pamantayan.” Iginiit nito na “hindi demokratiko” ang pagtulak “ng sariling sistemang pampulitika sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga rebolusyong nakapangalan sa kulay, pagpapalit-rehimen at paggamit ng pwersa na taliwas sa internasyunal na batas.”

AB: Summit of Democracies: Demokrasya ayon sa dikta ng imperyalismong US