Sundalo ng 2nd IB, inambus ng BHB-Masbate
Tinambangan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate noong Oktubre 7 sa hangganan ng Barangay Mambog at Buenaflor sa bayan ng Dimasalang, Masbate ang papauwing mga sundalo ng 2nd IB at elemento ng CAFGU. Isa ang napatay habang isa ang nasugatan sa mga sundalo.
Lulan ng motorsiklo ang mga sundalo nang paputukan ng mga Pulang mandirigma. Galing sila sa 15-araw na pagbabantay sa detatsment ng militar sa Barangay Miabas, Palanas na may layong isa’t kalahating metro mula sa lugar ng ambus.
Sa ulat ng BHB-Masbate, sangkot ang naturang mga sundalo sa pananakot sa mga sibilyan sa mga bayan ng Palanas, Cawayan at Dimasalang. Maging ang mga matatanda ay hindi nito pinalalampas sa sapilitang pagpaparekrut sa CAFGU sa bawat barangay sa mga naturang bayan. Sangkot din ang napaslang na sundalo sa pagsasamantala sa kababaihan laluna sa Barangay Miabas.
Pinasinungalingan ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng yunit ng BHB sa prubinsya, ang hinabing kwento ng 2nd IB na isang upisyal ng barangay ang napatay sa ambus. Inilinaw niya na sang-ayon sa internasyunal na makataong batas ang taktikal na opensiba.
Ani Ka Luz, ang armadong aksyon ay ikaapat na sa serye ng taktikal na opensiba ng hukbong bayan mula nang maupo sa poder si Marcos Jr. Tugon ang mga ito sa tumitinding karahasan at paglabag sa karapatang-tao ng armadong pwersa ng rehimeng Marcos laban sa masang Masbatenyo.
Hindi bababa sa tatlong sibilyan na ang pinaslang sa prubinsya sa ilalim ng rehimeng Marcos II. Ayon kay Ka Luz, umiiral ang paghaharing militar sa Masbate. Tahasan ang paglapastangan ng militar sa sibilyang otoridad ng mga lokal na gubyerno dito. Kasabay ng militarisasyon ang agresibong pangangamkam ng lupa para sa mga proyektong imprastruktura tulad ng pagrarantso, ekoturismo, pagtatayo ng bagong paliparaan at ekspansyon ng mapanirang kumpanyang mina sa prubinsya.
“Ang mga taktikal na opensiba ng BHB-Masbate ay patunay na hindi titigil ang hukbo ng mahihirap na ipagtanggol ang masa laban sa karahasang militar at papanagutin ang PNP, AFP at CAFGU sa kanilang mga krimen sa mamamayang Masbatenyo,” pagdidiin ni Ka Luz.
Matapos ang ambus, dinampot ng 2nd IB at CAFGU ang mga residente sa Barangay Buenaflor na sina Allan Dayday, Rostum Monares at Tinoy Orsaiz. Wala pang karagdagang impormasyon kaugnay ng kasalukuyan nilang kalagayan.