Sundalong nag-amok, 7 sugatan sa Bukidnon
Pito ang naiulat na sugatan nang walang patumanggang nagpaputok ng baril ang isang elemento ng 72nd IB sa piyesta sa Barangay Calapaton, Kitaotao, Bukidnon noong Oktubre 17. Ayon sa mga residente, ang pamamaril ay isinagawa ng lasing na sundalo matapos may makaalitan habang naglalaro ng iligal na sugal na “hantak.” Matapos ang pamamaril, kinuyog ng mga tao ang sundalo at pinagbubugbog.
Naka-istasyon ang nasabing sundalo sa Barangay Metebagao, kalapit na barangay ng Barangay Calapaton at dumayo lamang para “makipiyesta”.
Anang NPA-Mt. Apo Subregional Command, nilalantad ng walang patumanggang pamamaril na ito ang kabuktutan ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng AFP.
Anito, “Pantabing lamang ang RCSP, ang totoo magkakumbinang kampanya ito ng saywar at paniniktik laban sa masa at nangangahulugan ng pagkontrol ng kanilang pagkilos, pananakot at pandarahas sa kanila upang pigilan silang maggiit ng kanilang panawagan para sa lupa at karapatang pang-ekonomya at pampulitika.”
Nag-ulat din ang ilang magsasaka na regular silang pinatatawag ng mga sundalong nagsasagawa ng RCSP upang “mag-report” umano sa kanila. Para sa mga magsasaka sagabal ang RCSP sa kanilang kabuhayan. May isang pagkakataon na buong araw silang pinag-antay ng mga sundalo para lamang tanungin kung may namomonitor silang kilos ng BHB sa lugar.
May mga nag-ulat din na kinumpiska ng mga sundalo ang kanilang cellphone at hindi na ibinalik.
Maraming mga residente sa mga barangay kung saan mayroong RCSP ang 72nd IB, ang nagpaabot na talamak ang pagsusugal at inuman ng mga sundalo mula nang dumating ang mga ito sa kanilang mga komunidad.