Balita

Sundalong nagnanakaw sa mga katutubo, binigyang babala ng BHB-Mindoro

,

Binigyan ng babala ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) si Pvt. Oman Balitang Hagan dahil sa kanyang sagadsaring pagnanakaw ng mga alagang hayop ng mga katutubo sa saklaw ng mga barangay ng Naibuan at Monteclaro sa bayan ng San Jose, at Manoot sa bayan ng Rizal. Si Hagan ay mula sa katutubong grupong Buhid-Mangyan na naging sundalo siya sa ilalim ng “special enlistment” ng Philippine Army.

Inireklamo ng mga residente si Hagan at nagsampa ng kaso laban sa kanya sa Demokratikong Gubyernong Bayan (DGB) sa isla. Ayon sa ulat ng mga residente, mula nang pumwesto ang kampo militar ng 203rd IBde sa Sityo Mantay, Barangay Monteclaro, lumaganap ang nakawan at iba pang mga krimen na pinsala sa kabuhayan at kapayapaan ng mga residente.

Ginagamit ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang mga Buhid-Mangyan na isinailalim sa “special enlistment” sa mga krimeng ito para hatiin ang hanay ng mga katutubo. Ginagamit sila bilang “pinakamasasaligang mga ahente” ng mga berdugong sundalo at pulis sa lugar.

Si Hagan ay kasapakat din ni Pvt. Mayuay Unaw na napaslang sa aksyong pamarusa noong Abril 2023 dahil sa papel nito sa sapilitang pagpapasuko, pagbabanta, intimidasyon at iba pang pang-aabuso at paglabag sa karapatang-tao ng 203rd Bde at PNP MIMAROPA sa hanay ng mga katutubong Buhid-Mangyan sa naturang mga barangay.

“Pinatutunayan ng mga kaso ni Unaw at Hagan ang pagiging sagad-saring anti-mamamamayang mga kriminal at tagapaglabag sa karapatang-tao ng berdugong AFP at PNP na naghahasik ng ligalig at terror saan man sila naroon,” ayon kay Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro.

Sa ilalim ng noo’y rehimeng US-Duterte, itinulak ng AFP at ng National Task Force-Elcac ang kampanyang “indigenous people centric” o pagtutuon ng pansin sa mga katutubo para hati-hatiin sila at basagin ang kanilang pagkakaisa. Ipinasa ng rehimen noong 2021 ang batas (Republic Act 11549) na nagpapababa ng rekisitong taas (height) para makapasok sa mga yunit ng armadong pwersa nito ang mga katutubo at gamitin sila laban sa kanilang mga kababaryo.

AB: Sundalong nagnanakaw sa mga katutubo, binigyang babala ng BHB-Mindoro