Balita

Supertubo ng mga monopolyo ng langis, lumaki nang 300% dulot ng gera sa Ukraine

Tatlong beses na lumaki ang tubo ng limang pinakamalalaking kumpanya ng langis sa mundo para sa unang kwarto ng 2022, ayon sa isang ulat na inilabas ng Center for American Progress (CAP) noong Mayo 18. Ito ay matapos sumirit ang presyo ng mga produktong petrolyo bunga ng ispekulasyon sa merkado dulot ng imperyalistang gera na sumiklab sa Ukraine mula Marso.

Tumanggi ang mga kumpanyang ito na taasan ang produksyon ng krudong langis sa harap ng kasalatan sa suplay sa US at Europe na likha ng mga sangsyon na ipinataw sa langis ng Russia. Nasa $100 pataas kada bariles ang presyo ng krudong langis sa nakaraang mga buwan. Nangangahulugan ito ng limpak-limpak na tubo.

Umaabot sa $35 bilyon ang nakopo ng Shell, ExxonMobil, BP, Chevron, at ConocoPhillips — 300% na mas malaki kumpara sa tubo nila noong unang kwarto ng 2021. Ayon sa CAP, hindi kalabisan kung sasabihing labis na kapaki-pakinabang para sa mga upisyal (ng mga kumpanya) ng langis ang gera sa Ukraine at hirap na idinulot nito.

Ayon sa institusyon, tumabo nang $205 bilyon noong 2021 ang 25 pinakamalaking kumpanya sa langis matapos ang muling pagbubukas ng mga ekonomya mula sa mga lockdown na tugon sa pandemya noong 2020. Hindi nito lubos na maisip kung gaano kalaki ang supertubo sa unang kwarto ng 2022.

Sa halip na gamitin ang supertubo para sikaping maibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo ngayong taon, lalupang pinaarangkada ng mga kumpanya ang paghuthot ng tubo. Sa US, umabot sa $6 kada galon (₱312 sa palitang $1=₱52, o ₱82.54 kada litro) ang presyo ng gasolina.

Hindi rin ginamit ng mga kumpanya ng langis ang dambuhalang tubo para pondohan ang kanilang mga komitment sa paglaban sa climate change. Sa halip, niregaluhan nila ang kanilang sarili mga upisyal ng limpak-limpak na sweldo at mga bonus. Ayon sa CAP, kumita ng $349 milyon sa iba’t ibang anyo ng kompensasyon ang 28 pinakamatataas na upisyal ng kumpanya ng langis at gas noong 2021. Mas mataas ito nang $45 milyon kumpara sa 2020.

AB: Supertubo ng mga monopolyo ng langis, lumaki nang 300% dulot ng gera sa Ukraine