Balita

Tagapagsalita ng BHB-Negros, pataksil na pinaslang ng AFP

,

Labag sa mga batas ng digma, walang-kalaban laban na pinaslang ng mga sundalo ng 94th IB si Ka Juanito Magbanua (Romeo Nanta), tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) Negros Island Regional Operational Command, noong Oktubre 10 ng hapon sa Sityo Medel, Barangay Carabalan, Himamaylan City. Walang katotohanan ang sinasabi ng militar na nagkaroon ng engkwentro, pagdidiin ng BHB-Negros sa isang pahayag.

“Isang walang-awang pagpaslang at hindi engkwentro ang naganap. Pinaslang siya matapos dakpin sa tinutuluyang bahay sa Sityo Medel,” ayon sa BHB-Negros. Posible pa umanong tinortyur siya ng militar bago paslangin.

Sa ilalim ng internasyunal na makataong batas, si Ka Juanito, na isang isang hors de combat (o mandirigma na walang kakayanang lumaban) ay dapat dinakip at itinuring na isang bihag ng digma at iginalang ang kanyang mga karapatan.

Kinastigo ng panrehiyong kumand ng BHB ang paulit-ulit na pagsisinungaling ni BGen. Pasaporte ng 303rd IBde para bigyang katwiran ang kanilang krimen at ibandila bilang isang tagumpay ang krimen ng pagpaslang kay Ka Juanito.

Batay sa ulat na natanggap ng BHB-Negros, apat na putok lamang ang narinig sa lugar habang mayroong isang umiiyak na bata. “Paanong nagkaroon ng engkwentro? Ni walang yunit ng BHB na malapit sa lugar,” ayon sa BHB.

May altapresyon at rayuma si Ka Juanito kaya nanatili siya sa Sityo Medel habang nagmamaniobra ang yunit ng BHB matapos ang mga engkwentro noong Oktubre 6. Nagpaiwan siya para subaybayan ang kalagayan ng masa habang ibinubuhos ng 303rd ang ilandaang tropa nito sa buong Himamaylan City. Lubha siyang nag-aalala sa ala-batas militar na lockdown na ipinataw ng militar sa mga barangay ng Himamaylan.

“Nais sanang makipanayam ni Ka Juanito sa midya kaugnay ng nangyayaring militarisasyon sa Himamaylan at paglabag sa karapatan ng masa,” paliwanag ng BHB.

Liban sa pagpaslang kay Ka Juanito, iniulat din ang pamamaril ng 94th sa isang magsasaka sa parehong araw. Dinala ang magsasaka sa isang ospital sa Bacolod pero pinagbawalang makausap ng pamilya o ibang tao.

Bago nito, pitong magsasaka ang inaresto at pinagbubugbog ng mga sundalo ng 94th IB sa parehong sityo noong Oktubre 6. Kinilala ang pitong magsasaka na sina Pablo Abela Jr, Lito Abela, Angelo Abela, Alpredo Abela, Homer Liansing, Angelo Alejo, at Hendre Alejo.

Tinatayang higit 15,000 residente na ng Himamaylan ang napilitang lumikas mula sa magkakaibang barangay dahil sa matinding operasyong militar, panganganyon at pagpapataw ng isang-linggong lockdown ng Armed Forces of the Philippines sa erya.

Nangako ang BHB-Negros na gagawin ang lahat para mabigyang hustisya ang pagpaslang sa kanilang tagapagsalita at ang lahat ng mga biktima ng patuloy na militarisasyon sa Himamaylan at buong isla.

AB: Tagapagsalita ng BHB-Negros, pataksil na pinaslang ng AFP