Tagapagtatag ng Wikileaks, pinalaya matapos ng higit 5 taon sa bilangguan sa UK

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Lumaya na si Julian Assange, ang mamamahayag na nagtatag ng website na Wikileaks, kahapon, Hunyo 24, matapos ang 1,901 araw ng pagkakabilanggo sa United Kingdom. Ikinulong si Assange ng UK sa tulak ng gubyernong US na nagsampa sa kanya ng 17 kaso ng paglabag sa Espionage Act ng US. Si Assange ay isang Australyano.

Matapos ang mahigit limang taong pagkakapiit, pumasok si Assange sa kompromisong kasunduan sa US Justice Department, kung saan aamin siyang nagkasala sa isang kaso ng pakikipagsabwatan para kumuha at magsiwalat ng mga sikretong dokumento ng pambansang depensa ng US. Ibabasura na ang ibang kaso. Ang kasong ito ay may parusang 62 buwan pagkakakulong, na katumbas na ng tagal ng pagkabilanggo niya sa UK. Isasagawa ang pagdinig sa isang korte sa Saipan, Northern Mariana Islands. Matapos ang pagdinig, didiretso na siya sa Australia, kung saan naroon ang kanyang pamilya.

Ang mga kasong isinampa ng gubyernong US laban kay Assange noong 2006 ng website na Wikileaks, isang online platform kung saan maaaring isiwalat at ipaskil ng mga whistleblower ang mga klasipikadong materyal tulad ng mga dokumento at bidyo nang hindi naisasapubliko ang kanilang mga identidad.

Noong 2010, isiniwalat ng Wikileaks ang libu-libong klasipikado o sikretong dokumento ng US kung saan nabunyag ang maraming krimen sa digma nito sa mga gera nito sa Afghanistan at Iraq. Inilabas din ng Wikileaks ang libu-libong diplomatic cable o mga komunikasyon ng mga embahada ng US sa iba’t ibang bansa na naglalaman ng mga maseselang komunikasyon ng State Department ng US at nagpapakita ng panghihimasok nito sa mga panloob na usapin ng ibang bansa.

Ikinagalak ng mga internasyunal na grupong tagapagtanggol ng mga karapatang sibil at kalayaan sa pamamahayag ang paglaya ni Assange. Gayunpaman, nagbabala ang mga ito sa epekto ng pag-aresto kay Assange sa malayang pamamahayag.

“Habang ikinagagalak namin ang katapusan ng kanyang detensyon, ang ginawang pagtugis ng US kay Assange ay nagtakda ng isang legal precedent na nagbukas sa pinto para gipitin ang mga mamamahayag gamit ang Espionage Act kung tatanggap sila ng mga klasipikadong materyal mula sa kanilang mga source. Hindi nga ito dapat mangyari,” ayon sa Commitee to Protect Journalists

Gayundin, napakalaki ng implikasyon kung natuloy ang pag-extradite kay Assange sa US para doon siya litisin. Kung nagkagayon, maaaring ipa-extradite ng US ang sinumang mamamahayag sa buong mundo, anupaman ang kanyang nasyunalidad, at litisin alinsunod sa mga batas ng US sakaling maglathala ito ng impormasyon mula sa anumang klasipikadong dokumento ng US.

AB: Tagapagtatag ng Wikileaks, pinalaya matapos ng higit 5 taon sa bilangguan sa UK