Balita

Tangkang pangangamkam ng lupa ni Rep. Wilbert Lee, hinarang ng kababaihan ng Save Gubat Bay Movement

,

Tinangkang bakuran ng mga tauhan ng LKY Group of Corporations ang komunal na taniman ng mga residente ng Barangay Cota na Daco, Gubat, Sorsogon noong Marso 7, alas-7:00 ng umaga. Ang LKY ay kumpanyang pag-aari ni Wilbert Lee, isang malaking construction contractor at kinatawan ng Agri Partylist sa reaksyunaryong kongreso.

Sa Facebook page ng Save Gubat Bay Movement, inilahad ng organisasyon ang panghaharas sa kanila ng mga tauhan ng LKY habang nagpupumilit na magtayo ng bakod. Iginiit ng mga residente na hintayin muna ang desisyon ng korte bago sila palayasin sa nasabing lugar.

Anang mga residente, kabilang sa mga namilit ang isang Rico Pugnit, isang gwardya ng kumpanya, isang alyas Kwatog, at isa pang lalaking may dalang mga itak at materyales na pambakod.

Kinabukasan, Marso 8, binakuran ng grupo ng kababaihang myembro ng Save Gubat Bay Movement ang parsela ng lupa para harangin ang pangangamkam pero winasak ito ng mga tauhan ng LKY. Pinagbantaan at pinagsisigawan pa ng mga salarin ang kababaihan. Sa takot sa paninindak ng mga maton ni Lee, nahilo si Asuncion Rosal, isang senior citizen.

Ang pinag-aagawang lupa ay bahagi ng baybaying gagawan sana ng kalsada ngunit matagumpay na naharang ng Save Gubat Bay Movement noong 2022. Mahigit dalawandaang pamilya o mahigit isanlibong indibidwal ang nakatira sa naturang lugar. Kasalukuyang dinidinig sa hukuman ang disposisyon ng nasabing lupa.

Anang Save Gubat Bay Movement noong Araw ng Kababaihan, ipinakikita ng pangyayari ang patuloy na panggigipit ng mga nasa kapangyarihan sa mga nanay na ang tanging hangad ay disenteng buhay para sa kanilang pamilya. (Radyo Bulusan)

AB: Tangkang pangangamkam ng lupa ni Rep. Wilbert Lee, hinarang ng kababaihan ng Save Gubat Bay Movement