Balita

Tatlong Adivasi, pinaslang ng estado ng India sa pekeng engkwentro

,

Dinampot bago pinaslang ng mga pwersa ng estado ng India ang tatlong Adivasi (katutubo sa India) sa Nendra, distrito ng Bijapur, estado ng Chhattisgarh noong Enero 19. Ang mga biktimang sina Madkam Soni, Punem Nangi, at Karam Kosa ay papunta sana sa isang kilos-protesta nang sila ay damputin ng mga pwersa ng estado sa mabundok na bahagi ng kanilang komunidad.

Kinundena ng grupong Forum Against Corporatization and Militarization (FACAM) ang pagmasaker sa mga sibilyang Adivasi. Para pagtakpan ang kanilang krimen, pinalalabas ng mga pwersa ng estado na ang tatlo ay napaslang sa isang engkwentro laban sa People’s Liberation Guerrilla Army (PLGA) ng Communist Party of India o CPI (Maoist).

Hindi pa nakunento, tinangka pang sunugin ng mga pulis ang katawan ng mga biktima para walang ebidensya sa kanilang krimen. Bago pa man mangyari ito ay naigiit ng kanilang mga kaanak at kapwa residente at Adivasi na mabawi ang mga bangkay.

Nanawagan rin ang FACAM ng isang kagyat na imbestigasyon sa naturang masaker para mabigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang pamilya, at sa dumaraming bilang pa ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa naturang rehiyon.

Ayon sa grupo, tumindi ang paninibasib ng militar sa rehiyon nang sinimulang ipatupad noong Enero ang tinatawag nitong Operation Kagar sa Abujmarh, isang mabundok at magubat na lugar sa timog ng estado ng Chhattisgarh. Bahagi ito at pinalawak na pagpapatupad sa kontra-insurhensyang kampanya na Operation SAMADHAN-Prahar (OSP).

Iniulat na kasalukuyang pinakikilos sa ilalim ng Operation Kagar ang may 3,000 pwersang paramilitar galing pa sa ibang estado ng India para ipakat sa anim na kampong paramilitar sa Abujmarh. Dagdag ito sa halos 10,000 pwersang paramilitar na nakapakat na sa lugar. Sa taya ng grupo, mayroong tantos na tatlong paramilitar sa kada pitong lokal na residente sa lugar. Sa kumpas din ng naturang operasyon isinagawa ng mga pulis at pwersa ng estado ang pagpaslang sa isang 6-buwang sanggol noong Enero 1 sa distrito ng Bijapur.

“Ang pagtindi ng presensya ng mga paramilitar sa hitik sa likas na yamang mga rehiyon ng India sa tabing ng paglaban sa mga Maoista, ay nagsisilbi sa pagtindi ng pandarambong ng mga korporasyon sa likas na yaman ng bansa sa interes ng imperyalista at malalaking dayuhan,” ayon pa sa FACAM.

Dagdag pa nito, sa nagdaang 20 araw lamang ay naitala nila ang 65 pag-aresto laban sa mga tinagurian ng estado na “simpatisador at sumusuporta sa mga Maoista sa buong Bastar.”

AB: Tatlong Adivasi, pinaslang ng estado ng India sa pekeng engkwentro