Tinanggal na mga empleyado ng Baciwa, muling nagpiket sa CSC
Nasa ikatlong araw na ang piket na inilulunsad ng mga myembro ng Bacolod City Water District (Baciwa) Employees Union (BEU) sa upisina ng National Civil Service Commission (CSC) sa Quezon City. Sinimulan ng mga manggagawa ang protesta noong Setyembre 16 para muling manawagan sa komisyon na ibalik sa trabaho ang mga tinanggal na kawani ng Baciwa at pagbabayad ng buong back wage sa mga nag-resayn sa trabaho.
Panawagan nila sa CSC, kaagad nang maglabas ng desisyon pabor sa kanilang apela. Noon pang Agosto 2021 naglabas ang CSC Region 6 ng atas na ibalik sa trabaho ang mga tinanggal na manggagawa. Sa halip na ipatupad, hinamon ng Baciwa ang desisyon ng komisyon at dinala sa pambansang upisina ng CSC. Hanggang ngayon, wala pa ring inilalabas na resolusyon ang komisyon.
Muli bumyahe tungo sa Metro Manila mula Bacolod City ang mga kawani ng Baciwa para ipabatid sa CSC ang kanilang hinaing. Matatandaang nagkaroon din ng piket at dayalogo sa CSC ang BEU noong Enero.
Tinanggal ang 59 empleyado ng Baciwa noong Disyembre 2020 matapos ang pumasok sa joint venture agreement (JVA) ang Baciwa sa Prime Water Incorporated na pag-aari ng pamilyang Villar. Inalis sila sa pwesto dahil sila diumano’y redundant na o may iba nang gumagawa ng kanilang trabaho.
Nakiisa sa pagkilos ang Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (Courage). Nanawagan rin ang BEU, Water for the People Network at iba pang mga organisasyon na imbestigahan at ibasura ang lahat ng mga JVA at pribatisasyon na nagresulta sa mabagal, marumi at napakamahal na serbisyong patubig sa publiko.
“Nagsilbi lamang ang pribatisasyon ng tubig para kumita nang malaki ang iilang mayayamang indibidwal sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino. Nananawagan kami ng pananagutan sa administrasyong Marcos,” pahayag ni Ferdinand Gaite, dating tagapangulo ng Courage at dating kinatawan ng Bayan Muna Partylist.
Itinayo na rin ng BEU at mga tagasuporta nito ang kampuhan sa tapat ng CSC ngayong araw. Anila, hindi sila aalis sa upisina hangga’t hindi sila kinakausap ng komisyuner ng CSC.