Tropa ng 2nd IB sa Masbate, binulabog ng operasyong haras ng BHB
Nagpulasan ang nagpapahingang mga sundalo ng 2nd IB sa isang compound sa Barangay Puro, Placer, Masbate matapos silang salakayin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate noong Agosto 26 ng alas-11 ng gabi. Pinaulanan ng bala at pinasabugan ng command-detonated explosive ng mga Pulang mandirigma ang yunit ng 2nd IB Alpha Company na nasa lugar.
Sa ulat ng BHB, hindi pa nito makumpirma ang bilang ng kaswalti sa panig ng militar. Iniulat naman nitong ligtas na nakamaniobra ang sariling yunit.
“Isang hakbang tungo sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng abusong militar sa Masbate ang matagumpay na operasyong haras,” pahayag ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng yunit ng hukbong bayan sa prubinsya.
Idiniin ng tagapagsalita na maingat nilang isinagawa ang naturang armadong aksyon. “Sang-ayon sa internasyunal na makataong batas, pangunahing tiniyak ng BHB-Masbate ang kapakanan ng mga sibilyan sa naturang aksyon,” aniya.
Dagdag pa ni Ka Luz, ipinabatid ng masang Masbatenyo sa hukbo ang kanilang kagalakan sa paunang parusa na ipinataw nito laban sa kriminal na 2nd IB Alpha Company. Sangkot ang kumpanya sa patung-patong na mga krimen laban sa masang magsasaka at mga residente laluna sa taga-Cataingan, Placer, Esperanza at Pio V. Corpus. Nagsisilbi ring mga tauhan at maton ni Masbate Gov. Antonio T. Kho para protektahan ang kinamkam niyang mga lupain.
Kabilang sa mga krimen ng yunit-militar ang pagpaslang sa magkapatid na kabataang sina Ronel at Robert Monsanto noong Hulyo 8 sa Barangay Aguho, bayan ng Esperanza.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitala ng Ang Bayan ang 117 kaso ng paglabag sa karapatang-tao kung saan halos 2,000 katao ang biktima. Hindi bababa sa 30 ang pinaslang sa mga paglabag na ito na pangunahing isinagawa ng 2nd IB.
“Nawa’y magsilbing inspirasyon ang naturang aksyong gerilya na inilunsad ng BHB-Masbate upang mapagtibay ng mga Masbatenyo ang kanilang pagkakaisa at determinasyon upang harapin at labanan ang nagpapatuloy na paghaharing militar sa prubinsya,” ayon kay Ka Luz.
Binatikos naman niya ang walang patumanggang pamamaril ng mga sundalo ng 2nd IB dahil sa takot. Dagdag pa niya, kasalukuyan ding ipinapataw ng militar ang news blackout at blokeyo sa ekonomya sa Barangay Puro upang pagtakpan ang kanilang kaswalti.