Tusong pakanang chacha, sinimulan nang dinggin sa Kongreso

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa unang araw ng pagdinig sa Resolution of Both Houses 7 (RBH7) sa Mababang Kapulungan kahapon, Pebrero 27, agad nang inirehistro ng mga makabayang kongresista ang kanilang pagtutol dito. Ang RBH7 ang panukalang naglalayong baguhin ang konstitusyong 1987. Katapat na panukala ito sa inihapag sa Senado na RBH6. Ayon sa pamunuan ng Kongreso, walang binago ang mga kongresista at kopya lamang ng RBH6 ang RBH7, na ang pangunahing layunin ay baguhin ang mga probisyong naglilimita sa dayuhang pag-aari sa ilang sektor ng ekonomya.

“Bilang kinatawan ng mga guro, dapat nating protektahan at panatilihin ang pagmamay-ari nating mga Pilipino sa sarili nating mga institusyon laban sa impluwensya ng mga dayuhan,” pahayag ni House Deputy Minority Leader at ACT Party Rep. France Castro. Isa sa mga sektor na balak ibukas sa 100% pagmamay-ari ng dayuhan ay sektor ng edukasyon at mga institusyon nito.

“Kung magpapatuloy ang mga planong pagbabago na ito ay mas lalong mawawalan ng access ang ating mamamayan sa edukasyon dahil sa nagmamahalang tuition fee na ipapataw sa ilalim ng kontrol ng mga dayuhan,” aniya. Maaari nang kontrolin at magkaroon ng malaking impluwensya ang mga dayuhan sa ating edukasyon na magpapatingkad sa kaisipang kolonyal.”

Hinikayat niya ang mga estudyante at mga guro na magsalita at tutulan ang chacha na aniya’y magpapahamak sa kinabukasan ng edukasyon sa bansa. Sinabi rin niyang dapat pagtuunan ng pansin ng Kongreso ang mga usapin kaugnay sa sahod, mataas na presyo ng bilihin at iba pang mga hinaing at problema ng mamamayan, imbes na atupagin ang chacha.

“Bilang mga edukador, iangat natin ang kamalayan ng ating mga estudyante ukol sa panganib na dala-dala ng Cha-Cha at bigyang tapang ang kanilang puso para tumayo at igiit ang kapakanan ng kanilang hanay,” aniya.

RBH 6 at RBH 7

Itinulak ng Senado ang RBH 6 para kontrahin ang people’s initiative na ipinaarangkada ng pamunuan ng Kongreso nitong simula ng taon. Nilayon ng inisyatibang ito na tanggalan ng papel ang senado sa anumang charter change. Sa pagpapanukala ng RBH6, muling naagaw ng senado ang pangunguna sa chacha at natiyak ang sarili nitong adyenda.

Alinsunod sa resolusyon, tatlong probisyon lamang ang babaguhin oras na mabuo ang Mababa at Mataas na Kapulungan tungo sa isang constituent assembly na may hiwalay na botohan. Bibigyan na ng karapatan ang mga dayuhan na buong magmay-ari ng mga pampublikong utilidad (Artikulo XII, Seksyon 11); sektor ng edukasyon (Artikulo IX, Seksyon 4); at sa advertising o pagpapatalastas (Artikulo XVI, Seksyon 11). Alinsunod sa plano ng rehimen, ang mga pagbabago ay isasalang sa plebisito kasabay ng eleksyong 2025.

AB: Tusong pakanang chacha, sinimulan nang dinggin sa Kongreso