News

Unang araw ng harapang klase, batbat ng problema; dagdag badyet sa edukasyon, iginigiit

,

Kaliwa’t kanan ang lumitaw na problema sa pagbubukas ng harapan o face-to-face na klase sa buong bansa noong Lunes. Matapos ito ng higit dalawang taon na pagkatengga at lubhang naantalang harapang klase dahil sa palpak na pagtugon ng gubyerno sa pandemyang Covid-19. Naantala na nga, batbat pa rin ng sandamakmak na suliranin ang unang araw–kulang ang mga klasrum, pasilidad, guro at istap sa mga paaralan.

Kinastigo ng mga guro at ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang rehimeng Marcos sa kainutilan nito na tugunan ang matagal nang mga suliranin sa sektor ng edukasyon.

Ayon sa ACT, dapat magsagawa ang gubyerno ng “decisive na mga aksyon para tugunan ang kakulangan sa edukasyon, tiyakin ang kalusugan at kaligtasan sa mga paaralan, maglaan ng sapat na pondo, at magpatupad ng malinaw at nakabatay-sa-ebidensyang programang rekoberi sa edukasyon.”

Sa unang araw ng klase, iniulat ng mga guro sa buong bansa ang mga problemang kanilang kinaharap sa ‘Bantay Balik-Paaralan’ ng ACT. Kabilang dito ang mga isyu ng napakalalaking mga klase, 50 hanggang higit 60 estudyante, laluna sa mga paaralan sa National Capital Region.

Nariyan din ang kakulangan ng mga klasrum na nagtulak sa mga paaralan na maglunsad ng klase sa gymnasium, pati na rin ang kakulangan sa mga upunan kaya sa sahig na lamang nakaupo ang ibang mga bata. Dagdag pahirap din ang kakulangan ng guro sa mga paaralan na nagreresulta sa napakaraming klase na hawak ng bawat isang guro.

“Ang pinakabatayang kailangan para mailunsad ang mga klase—klasrum, upuan at mga guro—ay lubhang hindi natugunan. Ano pa kaya ang iba pang pangangailangan?” pagtatanong ni Vladimer Quetua, tagapangulo ng ACT.

Ayon sa kanya, ang pangkalahatang sitwasyon ay mayroong mga klaseng 40-50 estudyante, na tinuturuan ng mga gurong mayroong pito hanggang walong teaching load, dagdag pa ang ibang mga gawain dito. “Lubhang kulang din ang mga libro at modyul…paano makakarekober ang edukasyon sa ganitong sitwasyon?” dagdag pa ni Quetua.

Bago magbukas ang mga klase noong Lunes, nagtungo ang ilang gurong kasapi ng ACT sa Mendiola sa Maynila para magprotesta.

“Ibinigay ng ating mga guro ang lahat, sukdulang hindi na sila nakapagbakasyon at nasaid ang maliit nilang sweldo para lamang maihanda ang mga paaralan. Pero sadyang hindi sasapat ang limitado nilang kakayahan at, sa totoo lang, ay hindi na nila ito tungkulin. Responsibilidad ito ng pamahalaan na patuloy na nagkakait ng sapat na suporta sa edukasyon at nagpapabaya kahit nakapag-aalala na ang lubha ng learning crisis (krisis sa pagkatuto),” pagdidiin ni Quetua.

Naglunsad din ng protesta sa parehong araw ang League of Filipino Students at Kabataan Partylist sa harapan ng House of Representatives para ipanawagan ang dagdag na badyet sa sektor ng edukasyon at pagtutol sa planong panunumbalik ng mandatory ROTC.

AB: Unang araw ng harapang klase, batbat ng problema; dagdag badyet sa edukasyon, iginigiit