Balita

Unang araw ng klase sa UP Diliman, UP Los Baños at UP Baguio, sinalubong ng rali

Binuksan ng mga iskolar ng bayan sa University of the Philippines (UP)-Diliman at Los Baños ang bagong akademikong taon o pasukang 2024-2025 ng mga kilos protesta at martsa sa loob ng kani-kanilang kampus sa noong Pebrero 5 at 6. Ipinanawagan ng mga estudyante ang pagtataguyod ng akademikong kalayaan at binatikos ang patuloy na komersyalisasyon sa loob ng UP.

Sa UP-Diliman, nagmartsa ang mga estudyante, guro, mga manininda at tsuper ng dyip sa kampus tungo sa Quezon Hall noong Pebrero 6. Bago nito ay nagsagawa ng lokal na mga programa ang mga pambansa-demokratikong organisasyon sa kani-kanilang kolehiyo. Itinaon nila ang protesta sa paggunita sa ika-53 taon ng Diliman Commune, ang siyam na araw na pagbabarikada sa kampus ng UP-Diliman noong panahon ng diktadura.

Inihayag sa protesta ng iba’t ibang mga sektor ng UP ang mga isyu kabilang na ang kakulangan ng mga klase, naantalang pasahod sa mga security guard, pagtatayo ng komersyalisadong mall sa loob ng UP-Diliman, jeepney phaseout at iba pa. Giit nilang magkaisa ang buong komunidad para tutulan at labanan ang komersyalisasyon sa mga espasyo at serbisyo ng UP-Diliman.

Dahil dito, naitulak nilang maglunsad ng pormal na konsultasyon kasama si Chancellor Edgardo Vistan ng UP-Diliman kaugnay ng mahahalagang usapin at isyu na kanilang kinakaharap.

Sa UP-Los Baños, nagkaisa ang may 35 organisasyon para ilunsad ang protesta sa unang araw ng klase noong Pebrero 5. Ayon sa Samahan ng Kabataan para sa Bayan (Sakbayan)-UPLB, pagpapamalas ito ng sama-samang pagtindig ng mga estudyante para igiit ang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon.

Ipinahayag ng mga organisasyon ang kanilang pagtutol sa kaltas-badyet, komersalisasyon sa UP, Mandatory ROTC, at patuloy na pag-atake ng estado sa batayang karapatan ng mamayang Pilipino.

Sa UP Baguio, nagkasa rin ng protesta ang mga estudyante, kawani at guro dito noong Pebrero 6. Hinikayat nila ang mga estudyante na makisangkot sa mga isyu sa loob at labas ng unibersidad.

AB: Unang araw ng klase sa UP Diliman, UP Los Baños at UP Baguio, sinalubong ng rali