Unang bidyo sa seryeng 'Buhay Gerilya' ng Sine Proletaryo, inilabas
Inilunsad ng Sine Proletaryo noong Abril 8 ang pinakabagong serye nito na ‘Buhay Gerilya’ kung saan ipapasilip ang buhay at pakikibaka ng mga rebolusyonaryong mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga myembro ng rebolusyonaryong organisasyon. Layunin ng serye na ipakita ang pagtalima sa rebolusyonaryong mga prinsipyo, mga pagsubok sa rebolusyon, at araw-araw na karanasan sa pagpapanday ng isang bagong lipunan.
Unang kinapanayam ng Sine Proletaryo, sa pakikipagtulungan sa BHB-Southern Tagalog, si Comrade Kathryn, 32 taong gulang. Kasaluluyang nagsisilbi si Comrade Kathryn bilang upisyal sa pulitika ng BHB-Southern Tagalog (Melito Glor Command).
Sa panayam, ibinahagi ni Comrade Kathryn ang kanyang mga karanasan sa loob ng higit isang dekadang pagbagtas sa landas ng armadong rebolusyon. Ibinahagi niya na bilang isang kabataang-estudyante, namulat siya sa tunay na kalagayan ng lipunan dahil sa pahirap na dulot ng pagtaas ng matrikula at iba pang mga pangunahing pangngailangan at bilihin.
Aniya, “hangga’t hindi nagkakaroon ng kongkretong pagbabago sa lipunan natin ay hidni talaga magakakaroon ng maayos na pag-unlad at kinabukasan para sa kabataan.” Sa hukbong bayan umano nakita ni Comrade Kathryn ang mga kasagutan sa mga suliraning ito.
Kwento pa niya, marami siyang nakasabay na mga kapwa kabataan sa tatlong buwang tour of duty o TOD. Pagbabahagi pa niya, sa unang sabak sa mga gawain ay nakapagtayo sila ng ilampung mga grupong pang-organisa sa mga baryo at mga ganap na samahang masa. Dito umano niya napagtanto na kaya ng rebolusyonaryong kilusan na maggubyerno sa mamamayan.
Sa loob ng nakatakdang programa ng TOD, ipinahayag ni Comrade Kathryn na umasa siyang makakaranas ng kanyang unang labanan. Ito umano sana ang karanasang gagamitin niyang timbangan kung handa ba siyang maging pultaym na Pulang mandirigma, ngunit hindi niya ito naranasan.
Sa kabila nito, matapang na nagpasya si Comrade Kathryn na maging pultaym na mandirigma sa Southern Tagalog. “Hindi ko kayang bitawan iyong ganoong buhay, yung saya sa pakiramdam na makatulong sa masa, yung unti-unti kang magtatayo ng bagong gubyerno,” pagkukwento niya.
Pagbabahagi pa niya, sa loob ng maraming taon sa BHB, “mahirap ang buhay sa hukbo pero niyakap ko ang kahirapan na yon dahil sa inspirasyon ko ang masa.”
Liban sa mga ito, marami pang sinagot na tanong si Comrade Kathryn habang nakikipagbiruan sa kanyang kapanayam. Ipinakita rin ng Sine Proletaryo sa unang episode ang ilang bidyo ni Comrade Kathrynn ng paggampan sa gawiang kusina at iba pang tungkulin sa loob ng yunit.
Ayon sa Sine Proletaryo, naging positibo ang reaksyon ng mga netizen na nakapanood ng unang episode sa Facebook. “Ikinatuwa ng mga masa ang bidyo at ang ilan pa nga ay nagpaabot ng kanilang ‘rekwes’ sa magiging paksa ng mga susunod pang bidyo,” ayon sa grupo.
Ang bidyo at serye ng Buhay Gerilya ay maaaring mapanood sa Philippine Revolution Web Central (PRWC), akawnt nito sa archive.org, at sa Facebook. Hinikayat ng Sine Proletaryo ang mga rebolusyonaryong organisasyon na i-download ang bidyo at ilang ulit na ilabas at i-upload para mapanood pa ng mas marami at mapanatili online.
Samantala, hinikayat ng Sine Proletaryo ang iba pang mga yunit ng BHB at mga organisasyong masa na magpadala ng kanilang mga bidyo at panayam na itatampok sa serye.