Unyon ng manggagawa sa Nexperia, makikipagnegosasyon para sa CBA
Nagsimula na ang panibagong negosasyon ng Nexperia Phils. Inc. Workers Union (NPIWU) at pamunuan ng Nexperia Philippines para sa Collective Bargaining Agreement (CBA) para sa 2024 hanggang 2026. Inianunsyo ito ng unyon noong Enero 25. Magaganap ang panibagong negosasyon kasunod ng tanggalan sa mga manggagawa at ilang upisyal ng unyon noong Setyembre 2023.
Dumalo sa pulong para sa CBA Ground rules ang Executive Board, Shopstewards Council at pederasyon mula sa panig ng unyon at mga upisyal ng pamunuan ng kumpanya.
Inihayag ng unyon ang kanilang determinasyong ipaglaban ang interes ng mga manggagawa sa muling pagbubukas ng negosasyon para sa CBA. Ibinahagi nito ang mga naranasan sa nakaraang negosasyon para sa CBA kung saan inabutan ng pandemya noong 2020.
Samantala, sa pambungad na talumpati ng pangkalahatang manedyer ng kumpanya, inilatag niya ang kalagayan ng ekonomya sa buong mundo na nakakaranas ng pagbagsak. Pero ipinabatid din niya ang pag-asang magkakaroon ng magandang resulta ang CBA.
Para sa unyon, mahalagang magkaroon ng bagong CBA upang makakaagapay ang mga manggagawa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ang pagbaba ng halaga ng sahod ng manggagawa bunga na rin ng mataas na implasyon noong mga nakaraang buwan.
Matatandaang inilunsad ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines, sa pamumuno ng unyon, ang sunud-sunod na mga pagkilos para labanan ang tanggalan at mga atake ng maneydsment sa unyon, at ipagtanggol ang kanilang karapatan sa trabaho noong huling kwarto ng 2023.
Binatikos ng unyon sa panahong ito ang paglabag ng kumpanya sa mga napagkasunduan sa CBA. Tinanggal nito ang walong manggagawa, kabilang ang tatlong upisyal ng unyon. Sa gitna ito ng “internal hiring” na nangangahulugan na may mga bakante pang pusisyon sa kumpanya. Batid ng mga manggagawa na nais lamang ng Nexperia na tanggalin ang regular na mga manggagawa para makatipid at pahinain ang kanilang unyon.
Ang Nexperia Philippines ay subsidyaryo ng kumpanyang Nexperia na nakabase sa The Netherlands. Nagmamanupaktura ito ng mga semiconductor sa mga pabrika nito sa Europe, Asia at US.
Noong 2022, nagtala ito ng $2.36 bilyong kabuuang rebenyu, na mas mataas nang 10.7% kumpara sa naunang taon. Lumaki rin nang 12% ang benta nitong mga produkto. Malaki ang inaasahan nitong paglago sa susunod na mga taon, lalupa’t nagsisilbi ang mga produkto nito sa paglawak ng pangangailangan para sa teknolohiya sa buong mundo.