Unyon sa PLDT, pumalag sa planong tanggalan
Nanawagan ang Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor (GUTS)-PLDT Inc. sa kapwa nila mga manggagawa na magkaisa at ipaglaban ang katiyakan sa trabaho at tutulan ang napipintong tanggalan sa kanilang hanay.
Sa isang pahayag noong Huwebes (Mayo 19), iginiit ng grupo na dapat labanan ng mga manggagawa ang naging desisyong ng PLDT Inc. na isara ang 52 Sales Service Center (SSC) o Business Center ng kumpanya. Sa ulat ng unyon, maaaring mawalan ng trabaho ang 70 nagtatrabaho rito.
Liban sa kanila, apektado rin ang 58 manggagawa superbisor dulot ng posibleng relokasyon sa malalayong lugar mula sa kanilang kasalukuyang upisina. Apektado rin ang mga kontraktwal na manggagawa tulad ng cashiers, dyanitor at gwardya.
“Ang ganitong iskema ng pagbabalasa ng kumpanya ay nagdudulot ng pagkadismaya at takot sa mga manggagawang maapektuhan ang kanilang trabaho,” pahayag ng GUTS-PLDT.
Hindi naniniwala ang grupo na isasara ang mga upisina para sa “pagpapaunlad” sa manwal ng pagpoproseso ng mga serbisyong PLDT para diumano gawing “digital.” Naniniwala sila na may kaugnayan ang tanggalan at reorganisasyon sa pag-uunyon ng mga manggagawa.
Habang tumatabo ng kita ang kumpanya (₱26.7 bilyon noong 2020-2021), lalo naman nilang pinahihirapan ang kanilang mga empleyado dahil ipakakarga nito sa limitadong bilang ng empleyado ang mga trabaho ng mga sinisanteng manggagawa.
Panawagan ng unyon na magkaisa ang manggagawa ng PLDT na tutulan ang tanggalan. Panawagan nito sa maneydsment ng PLDT na ayusin ang sistema sa pagpoproseso at ipanatili ang mga upisinang panserbisyo at bigyan ang mga manggagawa ng seguridad sa trabaho.