US, lalong pinaypayan ang sigalot sa kabila ng nakaambang negosasyong Russia-Ukraine

,

Nakatakda nang magsimula ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Russia at Ukraine sa Lunes ng umaga (Pebrero 28, Ukraine Time) sa Belarus. Dapat nagbukas ang usapan noong Linggo, pero hindi umabot ang delegasyon ng Ukraine dahil sa pag-uurong-sulong dito ng presidente nitong si Volodymyr Zelenskiy.

Panandaliang sinuspinde ng Russia ang pag-abante ng mga tropa nito sa Ukraine noong Pebrero 25 matapos magbukas si Zelenskiy sa pakikipag-usap. Ayon sa mga upisyal ng Russia, ipinaabot diumano ni Zelenskyy ang posibilidad ng “non-alignment” ng Ukraine o ang hindi nito paghahabol na maging myembro ng NATO. Ang paglakip ng Ukraine sa NATO ay isang estratehikong hakbang ng US para magpwesto ng mga armas at base militar sa mismong hangganan ng Russia.

Sa halip sa suportahan ang nakatakdang pag-uusap, ipinag-utos ni US Pres. Joseph Biden sa Kongreso ng US noong Pebrero 26 ang kagyat na pagbuhos sa Ukraine ang $350 milyong “emergency military aid” para palawigin pa ang sigalot sa tabing ng “paglaban sa pananakop ng Russia.” Kasunod ito sa dali-daling pag-awtorisa ng Kongreso ng US noong Pebrero 24 na irelis na ang $600 milyong ayudang militar (pondo at armas) na bahagi ng $1 bilyong paketeng militar na inilaan ng US sa bansa noon pang nakaraang taon. Natulak din ng US ang Germany na magpadala ng mga misayl na Stinger sa Ukraine. Taliwas ito sa malaon nang patakarang German ng hindi pagpapadala ng mga armas sa mga lugar na may sigalot.

Noon pang Enero pinaarangkada ng US ang pagbuhos sa Ukraine ng malalakas na armas at tauhan, sa anyo ng mga espesyal na tagapayo at mersenaryo. Kasabay nito, pinatindi ng armadong hukbo ng Ukraine ang panganganyon at pang-aatake nito rehiyon ng Donbass na pinamamahalaan ng noo’y isang espesyal na rehiyong awtonomo sa ilalim ng Ukraine. Nakapailalim kapwa ang mga gubyernong ito at ang gubyernong nakabase sa Kyiv sa isang pormal na tigil-putukan na binuo noong 2015.

Tinaguriang “Kinalimutang Gera sa Europe” (Europe’s Forgotten War) ang gera sa pagitan ng mamamayan ng Donbass na karamihan ay Russian at ng anti-Russia at maka-US na gubyernong nakabase sa Kyiv. Ito ay dulot ng sadyang pagbabalewala dito ng mga kapitalista at imperyalistang bansa, kabilang ang US at Russia, at kaakibat na malawakang paglabag sa mga karapatang-tao sa mga sibilyan sa rehiyon, sa nakaraang pitong taon.

Sa upisyal na ulat ng Special Monitoring Mission ng Organization for Security and Cooperation in Europe (OSCE) noong Pebrero 10, umabot sa 8,000 mga paglabag sa tigil-putukan ang naganap sa Donbass mula Enero 1. Pero nagsimula ang “mabilis na pagbulusok sa sitwasyong panseguridad” sa Donbass matapos pinaarangkada ng Ukrainian National Army ang panganganyon sa mga sibilyang komunidad dito noong Enero 9.

(Ang OSCE ay isang organisasyong panseguridad na binuo noong 1973 at may 57 myembrong bansa. Kabilang dito ang Russia, mga bansang dating nasa ilalim ng USSR, US, UK at iba pang mga bansang nasa loob rin ng NATO. Nyutral ang paninindigan nito sa mga sigalot sa pagitan ng mga myembrong bansa.)

Ayon sa OSCE-SMM, pinakamatindi ang paglabag sa tigil-putukan sa loob ng 11 araw bago nagdeklara ang Donetsk at Lugansk ng sesesyon mula sa gubyerno sa Kyiv noong Pebrero 22. Sa loob ng 24 oras sa pagitan ng Pebrero 20 at 21, ininda ng mga residente ng Lugansk ang 1,149 na mga pagsabog mula sa mga kanyon ng Ukraine National Army na nakaistasyon sa hangganan nito at Ukraine (tinatawag na “contact” o “engagement” line). Ayon naman sa mga gubyerno ng Donetsk at Lugansk, gamit ng mga pwersang Ukraine ang mga armas na gawa at binigay ng US, na ipinagbabawal sa ilalim ng Minsk Agreement.

Nang mag-anunsyo si Russian Pres. Vladimir Putin ng “espesyal na aksyong militar” noong Pebrero 23, agad na nireinpors ng mga tropang Russian ang mga armadong grupo ng Donbass sa contact line. Sa sumunod na mga araw, binomba ng mga eroplanong pandigma nito ang mga pasilidad militar sa iba’t ibang bahagi ng Ukraine. Sa sumunod pang mga araw, pinaralisa at inokupa nito ang plantang Chernobyl at ang pinakamalaking paliparan sa Kyiv. Nagpalibot rin ito ng mga barkong pandigma sa bahaging timog na bahagi ng Ukraine at inokupa ang susing mga pasilidad militar at pinutol ang ugnay ng mga syudad sa baybayin ng Azov sa mas malalaking syudad ng Ukraine.

Ngayong araw, lalupang itinaas Putin ang tensyon nang iutos niyang ilagay sa “alerto” ang mga armas nukleyar ng Russia. Ito ay tugon niya sa “agresibong mga pahayag” laban sa Russia ng mga upisyal ng NATO at kaliwa’t kanang sangsyon sa ekonomya ng Russia. Hindi malinaw ang praktikal na kahulugan ng pahayag na ito, lalupa’t palagian namang nakahanda ang mga pwersang nukleyar na nakabase sa lupa at dagat kapwa ng Russia at US.

Mag-ingat sa fake news

Habang rumaragasa ang sigalot, bumabaha naman ang iba’t ibang impormasyon sa social media at tradisyunal na midya na walang awat na nagbabalita kaugnay mga “pinsala sa mga sibilyang komunidad at imprastruktura” at iba pang nagaganap. Maraming naipalalaganap na mga balita, kahit sa mayor na mga news sources, ay di kumpirmado (unverified) o di kaya’y tahasang disimpormasyon. Pinakamalala ang ipinakakalat ng mga litrato at pahayag sa social media.

Para ihiwalay ang totoo sa hindi, ang ilan sa internasyunal na news outlets ay kinakategoraya ang kahit ang mga upisyal na ulat ng magkabilang panig bilang beripikado at di beripikado ng sarili nitong mga mamamahayag na nasa loob mismo ng Ukraine. Gayunpaman, wala silang mga tauhan sa loob ng Donbass at nakapagbabalita lamang ng mga nagaganap sa 2-3 ng syudad ng Ukraine.

Sa kasalukuyan, wala pa sa mga nyutral na organisasyon tulad ng Red Cross ang nakakapasok sa mga lugar kung saan pinakamatindi ang sigalot. Umatras din ang OSCE-SMM at natigil ang pagsubaybay ng mga tim nito noon pang Pebrero 24.

AB: US, lalong pinaypayan ang sigalot sa kabila ng nakaambang negosasyong Russia-Ukraine