Walang saysay sa ekonomya ang dagdag-sahod sa NCR

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Walang saysay ang baryang ₱35 dagdag-sahod na iginawad ng National Capital Region wage board sa mga manggagawa noong nakaraang linggo. Mismo ang National Economic and Development Authority (NEDA) ang umamin na wala itong epekto sa lokal na ekonomya. Anito, apektado lamang nito ay 1/10 ng 1% ng GDP (gross domestic product) ng bansa.

“Sang-ayon kami na ang dagdag-sahod sa NCR ay walang epekto sa pag-unlad ng ekonomya dahil 0.09% lamang ito sa kita ng mga establisimyento sa Metro Manila at dahil…di nito nadagdagan ang kakayahan na bumili (purchasing power) ng pamilyang manggagawa,” ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation. Ang dagdag na sahod ay maaring magtulak ng pagtaas ng demand at paggastos para sa konsumo, na maaari sanang maging basehan ng dagdag na pamumuhunan na magpapasigla sa ekonomya, aniya.

Aanim pa lamang na rehiyon ang nagpahayag ng pagdadagdag ng sahod ngayong taon, at ang huling mga wage order sa 11 buwan ay sa dulo na ng taong 2023 inilabas. Ibig sabihin, maaaring sa dulo na rin ng taong ito magkakaroon ng posibilidad na bahagyang tataas ang sahod sa maraming bahagi ng bansa, ayon kay Africa.

Samantala, bukambibig pa rin ng NEDA ang pananakot na masisisante ang maraming manggagawa kapag itinaas ang sahod, at posible pa rin diumanong magkalagasan ng trabaho kahit sa ₱35 dagdag-sahod. Habang sinasabing darami ang masisisante dahil sa kakarampot na pagtaas ng sahod, apat na buwan nang tumataas ang tantos ng disempleyo sa bansa, kahit wala pang anumang idinagdag sa sahod. Pinakamataas ang disempleyo noong Mayo (4.1%) sa nakaraang apat na buwan, matapos lumaki ang hukbo ng paggawa.

Gayundin, hungkag ang ipinagmamayabang ng NEDA na dumami na ang “dekalidad” na trabaho, matapos bumaba ang tantos ng underemployment mula 11.7% noong Mayo 2023 tungong 9.9% nitong taon.

Ang totoo, nasa sektor ng konstruksyon ang pinakamaraming trabahong nalikha noong Mayo, na di lamang kontraktwal, kundi isa sa mga pinakabarat magpasahod. Nasa ₱540 lamang ang minimum na arawang sahod sa sektor.

Malayong-malayo na ang tunay na halaga dulot ng walang awat na implasyon. Sa NCR, nasa ₱503.51 lamang ang tunay na halaga ng ₱610/araw na minimum. Isa sa pinakamalawak ang agwat ng natatanggap na sahod sa tunay na halaga nito ang sa Central Luzon kung saan ang natatanggap na ₱500/araw ay may tunay na halagang ₱385 lamang. Pinakamababa ang sahod at tunay na halaga nito sa BARRM, kung saan ang natatanggap na ₱361/araw ay may tunay na halagang ₱285.05 lamang.

Sa harap nito, patuloy ang panawagan ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod na ₱1,200/araw. Kaninang hapon, nagtungo ang mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno sa harap ng DOLE para igiit na insulto ang P35 na dagdag-sahod para sa mga manggagawang Pilipino.

“35 taon din nating tiniis ang sistemang sahuran ng Wage Rationalization Act,” ayon sa grupo. “Mula noon, hanggang ngayon, walang ibang maaasahan ang mga manggagawa sa polisiya na ito kundi gutom at pambabarat ng sahod.” Panawagan nila ang pagbubuwag ng wage board at pagbibitiw sa pwesto ng maka-kapitalistang kalihim ng DOLE.

Naigiit nila ang paglulunsad ng programa kahit pa hindi pa sila nakapagsisimula nang programa, bumungad na agad sa kanila ang mga pulis para itaboy sila sa lugar.

AB: Walang saysay sa ekonomya ang dagdag-sahod sa NCR