Writ of Amparo, inihain ng mga kapamilya ng dinukot na mga aktibista
Naghain ng petisyon para sa Writ of Amparo sa Korte Suprema ang mga kapamilya ng dinukot na mga aktibista at organisador na sina Elizabeth ‘Loi’ Magbanua, Alipio ‘Ador’ Juat, Elgene Mungcal, at Ma. Elena ‘Cha’ Cortez Pampoza noong Agosto 10. Kasabay nito, nagpiket ang mga progresibong grupo sa harapan ng korte sa Padre Faura sa Manila City.
Dinukot ng armadong pwersa ng estado ang apat na aktibista habang ginagampanan nila ang kani-kanilang mga gawain bilang mga organisador at aktibista. Sina Magbanua at Juat ay kapwa kasapi ng Kilusang Mayo Uno at nawawala simula pa Mayo 3. Huli silang nakita sa Barangay Punturin, Valenzuela City matapos dumalo sa isang pulong sa lugar. Samantala, sina Mungcal at Pampoza, pawang mga kasapi ng Gabriela Women’s Party at Anakpawis, ay dinukot noong Hulyo 3 na huling namataan sa Winfare Supermarket, Moncada, Tarlac.
Itinutulak ng naturang petisyon ang Korte Suprema na maglabas ng atas sa pwersang seguridad ng estado na ilitaw ang nawawalang mga organisador. Nakatuon ang petisyon kina Armed Forces chief of staff Lt. Hen. Bartolome Vicente Bacarro, tumatayong Defense chief Jose Faustino Jr, Intelligence Agency director Ricardo de Leon, at iba pang upisyal militar.
“Nananawagn kami sa Korte Suprema na tiyakin ang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at organisador sa paggawa sa pamamagitan ng pagkatig sa kanilang petisyon para sa Amparo. … wakasan ang bagong iskemang ito ng ekstrahudisyal na pag-aresto at detensyon na kinakasangkapan laban sa mga aktibista,” ayon kay Clarice Palce, tagapagsalita ng grupong Gabriela.
Layunin din ng petisyon na maglabas ang korte ng pansamantalang atas para sa proteksyon ng mga nagpetisyon at kanilang malapit na kapamilya dahil sa mga banta sa kanilang buhay.
Ang mga pamilya ng biktima at iba’t ibang grupo sa karapatang-tao ay naglunsad mula pa Hulyo ng mga fact finding mission, pagbisita at paghalughog sa mga kampo militar, ospital at mga punerarya sa layuning matunton ang mga nawawala. Dumulog sila sa Commission on Human Rights noong Hulyo 13 para magpatulong sa pagtunton sa mga nawawala.
Ayon sa mga kapamilya at progresibong grupo, plano nilang ihatid ang ulat sa Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights para humingi ng tulong sa paghahanap at kagyat na paglilitaw sa apat.
“Hindi kami titigil sa paghahanap kina Loi, Ador at iba pang biktima ng pagdukot at magpapatuloy kami sa paglaban hanggang ilitaw ng armadong pwersa ni Marcos Jr ang kapwa namin mga tagapagtanggol sa karapatang-tao,” ani Palce.
Lumahok sa paghahain ng petisyon at piket ang mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno at Student Christian Movement of the Philippines.