Writ of preliminary injunction kaugnay ng "teroristang" designasyon, dininig ng korte
Nagtipon sa harap ng Baguio Justice Hall, Baguio City ang mga kaanak, kaibigan at kasama ng apat na aktibista at lider ng Cordillera People’s Alliance (CPA) noong Disyembre 14 habang dinidinig ang inihain na writ of preliminary injunction kaugnay ng “teroristang designasyon” sa kanila ng Anti-Terrorism Council. Ang injunction ay temporaryong pagtatanggal sa mga implikasyon ng “teroristang” designasyon laban sa mga biktima habang dinidinig ang kabuuan ng kasong inihain nila.
Inihain nina Windel Bolinget, Sarah Abellon-Alikes, Jennifer Awingan-Taggaoa, at Stephen Tauli ang naturang injunction noong Nobyembre 23 kasabay ng petisyon na tuluyang ipabasura ang designasyon sa kanila ng ATC. Ito ang kauna-unahang ligal na aksyon na inihain sa korte laban sa gayong designasyon.
Sa kautusan ng ATC, inatasan nito ang Anti-Money Laundering Council na imbestigahan at i-freeze o hawakan at ipagkait ang salapi at mga ari-arian ng mga inakusahan. Ito ang mga nais ipahinto ng apat na aktibista sa pagsasampa nila ng writ of injuction.
Anila, ang patuloy na implementasyon ng mga ito ay nagdulot sa kanila ng malubha at hindi matutumbasang pinsala na labag sa kanilang mga karapatan sa konstitusyon. “Lubhang naapektuhan ng designasyon hindi lamang ang kanilang trabaho bilang mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo sa Cordillera, kundi maging ang kanilang personal na buhay,” pahayag ng National Union of People’s Lawyers, katuwang nila sa pagsasampa ng kaso.
“Nang may lehitimong mga inihapag na usapin kaugnay ng kanilang lumulubhang sitwasyon, kagyat nilang hinihiling na bigyan sila ng korte ng ‘injunctice relief’,” ayon kay NUPL President Atty. Ephraim B. Cortez.
Samantala, binatikos ng CPA ang presensya ng isang armadong pulis na nakabihis sibilyan sa loob ng korte para sindakin ang mga lider ng grupo. Nauna nilang nakita ang naturang lalaki na basta-bastang kumukuha ng larawan ng mga nagpetisyon at nang komprontahin ay napag-alaman nilang isang pulis. Malinaw umano itong hakbang ng estado para gipitin sila.