Yunit ng 59th IB sa isang barangay sa Batangas, pinalalayas

,

Naglunsad ng protesta ang mga manggagapak at mga kasapi ng Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) Batangas at Kaisahan ng mga Manggagagawang Bukid sa Tubuhan (Kaisahan) noong Agosto 4 sa Barangay Sampaga, Balayan, Batangas para kundenahin ang okupasyon at panggigipit sa mga manggagapak ng 59th IB sa Barangay Putol sa bayan ng Tuy simula Agosto 3. Nauna nang nagreklamo ang mga residente ng Barangay Putol sa pangamba at perwisyong hatid ng operasyon ng 59th IB.

Sa protesta, nagsama-sama ang mga residente ng iba’t ibang baryo mula sa 1st District ng Batangas para ipanawagan ang pagpapalayas sa 59th IB sa Barangay Putol.

Ayon sa SUGAR-Batangas, inokupa ng mga sundalo ang bahay ng mga residente at mayroong usap-usapang magtatagal sila nang dalawang linggo. Hindi bababa sa 30 sundalo ang ipinwesto ng 59th IB sa naturang barangay, at ayon sa mga residente ay nadaragdagan pa ang mga ito. Iniinda na ng mga residente ang pagkaantala ng kanilang kabuhayan na nagdudulot ng gutom sa kanilang pamilya.

Liban dito, tinitiktikan ng mga sundalo ang hindi bababa sa tatlong kabahayan ng pamilya ng mga maggagapak sa barangay. Hinahanap din ng mga sundalo si Jaysie Balugna, kilalang lider-masa ng Tuy at kasalukuyang tagapagsalita ng Kaisahan at ng SUGAR-Batangas. Dulot ng takot ng pamilyang Balugna, natulak silang lisanin ang komunidad.

Ngayong araw, tinawagan ng isang nagpakilalang ahente ng estado ang isa sa mga kapatid ni Balugna. Hinanap ang lider-masa sa kanya dahil kakasuhan umano ito, sa hindi malamang dahilan. Nagbanta ang tumawag na kung hindi ilalabas si Balugna ay ang pamilya nila ang babalikan ng militar, dadamputin, at sila ang kakasuhan.

AB: Yunit ng 59th IB sa isang barangay sa Batangas, pinalalayas