Yunit ng BHB-North Quezon, muling nakapagtanggol laban sa AFP
Binigo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-North Quezon ang pag-atake ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Abril 23, alas-6:35 ng umaga sa Barangay Tagumpay, Real, Quezon. Ayon sa ulat, ligtas at organisadong nakaatras nang walang pinsala ang mga Pulang mandirigma habang mayroong naitalang isang nasugatan sa mga berdugong sundalo.
Kasunod ito ng isa ring aktibong depensa ng BHB-North Quezon laban sa 80th IB noong Abril 16 sa Barangay Tanauan sa parehong bayan. Ang yunit ng 80th IB na naka-engkwentro ng hukbong bayan ay nagsisilbing protektor ng mapangwasak na dambuhalang proyektong Real Wind Energy Project (RWEP) ng ACEN Corporation ng Ayala Corporation.
Samantala, pinasinungalingan ng yunit ang ipinakakalat na balita ng AFP na nagkaroon ng isang engkwentro sa Barangay Llavac noong Abril 22. “Mariin itong pinasusubalian ng hukbong bayan, walang labanan noon sa pagitan ng BHB at militar. Bagkus nagsasayang lamang ng mga bala ang mersenaryong AFP sa kanilang mga misengkwentro dahil na rin sa kanilang desperasyon na matugis ang BHB,” ayon kay Eliza ‘Ka Eli’ dela Guerra, tagapagsalita ng BHB-North Quezon.
Kinundena rin ng tagapagsalita ang paglulustay ng AFP at rehimeng US-Marcos sa pondo ng taong-bayan para sa mga operasyong kombat na naghahasik ng teror sa mamamayan habang marami ang nagugutom at naghihirap. Aniya, nasa dalawang linggo na ang isinasagawang focused military operation ng 80th IB sa magkakatabing barangay sa bayan ng Real mula pa noong Abril 11.
Idiniin ni Ka Eli na hayok ang AFP na itaboy ang hukbong bayan sa Real para ipagtanggol ang mga proyekto ng mga amo nitong malalaking burgesya kumprador at burukrata-kapitalista. Isa na dito ang dambuhalang RWEP na magpapalayas sa libu-libong residente at magsasaka ng Real.
Nananawagan ang BHB-North Quezon sa mamamayan ng Real at sa buong Quezon na patuloy na suportahan ang kanilang tunay na hukbo—ang BHB. “Nakakapanatili ang inyong hukbo at patuloy na nagtatagumpay dahil na rin sa patuloy ninyong suporta. Sama-sama nating labanan at ipagtagumpay ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pambansa-demkratikong rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay,” ayon kay Ka Eli.