#ZeroEvictions: Grupong kontra demolisyon, nagprotesta sa National Housing Authority

Nagpiket ngayong araw sa harap ng National Housing Authority sa Quezon City ang mga maralitang tagalunsod para batikusin ang demolisyon ng kanilang mga komunidad. Bahagi ang protesta sa paggunita sa World Homeless Day na nakatakda kada Oktubre 10.

Sa pamumuno ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD), lumahok sa naturang protesata ang mga kasapi ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap at Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan. Iginigiit ng mga grupo na dapat magkaroon ng malinaw na programa sa pampublikong pabahay imbes na demolisyon. Kabilang sa kanilang mga panawagan ang #ZeroEvictions o walang demolusyon.

Higit 6.6 milyon na pabahay ang backlog o hindi nagawa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) noong nakaraang taon. Ayon sa AKD, indikasyon ito na bumabagsak ang sektor sa pabahay at lalong lalong nagiging kailangan ang murang pampublikong pabahay, pagtataas ng sahod, at paglikha ng pormal na mga trabaho sa bansa kaysa sa napakagastos na magagarbong imprastruktura na pinopondohan ng utang.

Kinastigo rin ng grupo ang kakarampot na badyet na inilaan ng gubyerno para sa sosyalisadong pabahay sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program nito. Ayon sa grupo, lubhang napakaliit nito kumpara sa ₱1.19 trilyong pondo para sa programang imprastruktura. Binanggit din ng alyansa na mayroong ₱28.6 bilyong pondong nakalaan para sa mga demolisyon at programang pagpapalayas sa mga maralitang komunidad.

“Paano na ngayon ang plano ng gubyerno para sa pabahay kung mas malaki pa ang badyet para sa demolisyon?” tanong ni Bebang Alcantara, tagapagsalita ng AKD.

Binatikos din ni Alcantara ang plano ng DHSUD na ipasa sa mga bangko ang pagpondo sa mga pabahay habang sasagutin ng gubyerno ang mortgage o sangla. Ayon kay Alcantara, “ang gobyerno ang dapat nagpopondo at nagpapatayo ng pabahay para sa maralita dahil ang pabahay ay serbisyo-publiko, hindi dapat ito ginagawang negosyo.”

Suportado ng alyansa ang panukalang House Bill 4087 o ang On-site Development Bill na isinumite ng Makabayan Bloc. Layon ng panukala ang pag-iinstitusyonalisa sa on-site at in-city na mga pabahay, sentro ng mga maralitang lunsod, mga tenante at iba pa.

“Dapat sa serbisyong pabahay—disente, abot-kaya, pang-masa, at pampubliko. Dapat kasabay ng pagpapatayo ng maraming pabahay at pagpapababa ng presyo nito ay ang pagpapataas sa sahod ng manggagawa, pagkakaroon ng sapat na kabuhayan, at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin,” dagdag ni Alcantara.

Naglabas din ng pahayag ang International League of Peoples’ Struggle Commission 18 (Commission on the Struggles of Urban Poor Communities) kaugnay ng pakikibaka ng mga maralita at World Homeless Day. Naniniwala ang komisyon na ang pinakamahusay na paraan para markahan ang Habitat Month ay sa pagpapakita ng “malawakang pakikibaka na kayang ibunsod ng mga walang matirhan at displaced na mamamayan.”

“Nakikiisa kami sa lahat ng mga alyansa [at] organisasyon sa buong mundo sa panawagang labanan ang agresyong suportado ng mga imperyalista laban sa mga komunidad,” dagdag ng ILPS Commission 18.

Samantala, noong Oktubre 10, nakipagdayalogo ang lokal na balangay ng PLM-Quezon City sa lokal na gubyerno hinggil sa katiyakan sa paninirahan. Nangako ang Housing Community Development and Resettlement Department ng gubyerno ng Quezon City na patuloy na makikipag-konsultahan para sa programang pabahay ng syudad.

AB: #ZeroEvictions: Grupong kontra demolisyon, nagprotesta sa National Housing Authority