AFP-PNP, utak ng bagong pambobomba sa Sultan Kudarat
Lubhang nakakapagduda ang insidente ng dalawang magkasunod na pagpapasabog ng bomba sa Sultan Kudarat, Maguindanao noong Agosto 28 at Setyembre 3. Naganap ito sa gitna ng pinangangalandakang kontrol ng mga palalong heneral ng Armed Forces of the Philippines-Philippine National Police (AFP-PNP) bunga ng pinaiiral na Martial Law (ML) sa Mindanao. Lahat ng mga daliri ng AFP at PNP ay pawang nakaturo sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kung saan karaka-rakang ibinintang sa BIFF ang nasabing pagpapasabog kahit wala pang malinaw na imbestigasyon.
Bago pa ang nasabing pagsabog, umaalingawngaw na ang usap-usapang pagpapalawig ng ML sa Mindanao na pilit ipatanggap ng Malakanyang sa kabila ng malawak na pagtutol ng mamamayan dito. Dahil sa naganap na pagsabog, malamang na nabigyang-katwiran ang ninanais ng AFP-PNP na ML extension. Kailangan nila ito dahil bigo ang kanilang pakanang mapahina at masawata ang lumalakas na iba’t-ibang anyo ng paglaban ng mamamayan sa Mindanao.
Malinaw na isa itong anyo ng pagkondisyon sa isip ng mamamayan. Simula’t sapul, nilalayon ng rehimeng US-Duterte at AFP-PNP na palawigin ang Martial Law sa Mindanao. Gusto ng gubyernong Duterte na palayasin ang mga katutubo rito upang malayang makapangamkam ng mga lupaing ninuno ng mga Lumad at Moro. Kasapakat nila ang mga dayuhang kapitalista at lokal na mga naghaharing uri upang makapagkamal ng bilyun-bilyong piso mula sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Hindi katahimikan ang hatid ng Martial Law sa mamamayan ng Mindanao kundi takot at ligalig. Daan-daang mamamayang Moro, katutubong Lumad at sambayanang Pilipino ang pinatay, daan-daang libo ang nagbakwet at dumarami pang kaso ng paglabag sa karapatang tao sa ilalim ng mapaniil na batas militar ng rehimeng US-Duterte. Gamit ang karahasan ng reksyunaryong estado at mersenaryong AFP-PNP, sinusupil ng gobyernong Duterte ang makatarungang paglaban ng mamamayan ng Mindanao para sa kanilang kabuhayan at karapatan sa kanilang mga lupain at lupaing ninuno laban sa pangangamkam ng mga dayuhan at lokal na malalaking kumprador-panginoong maylupa.
Ang ML ang dahilan ng sobra-sobrang kahirapang dinaranas ng mamamayan ng Mindanao. Gamit ang ‘hysteria ng terorismo’, magkakakutsabang pinagtibay ng reaksyunaryong kongreso at hudikatura ang anim na buwang ML sa Mindanao sa kabila ng pagtutol ng mamamayan. Ang dinanas ng Marawi at pagkawasak nito sa tatlong buwang pambobomba at panganganyon ng AFP-PNP sa mga tahanan ng mamamayang Moro at Pilipino ay nagresulta sa di mabilang na pagkawasak ng buhay at ari-arian tulad ng mga bahay, eskwelahan, simbahan, mosque at mga lupang sakahan.
Sa isa’t kalahating taong ML sa Mindanao, pinapakita ng mga datos na hindi solusyon ang militarisasyon sa laganap na kahirapan at makatarungang pakikibaka ng mamamayan. Walang kabutihang nililikha ang batas militar at kahungkagang gamitin ito upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao. Hangga’t nagpapatuloy ang ML, magpapatuloy ang mga kaguluhang nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao at sa buong bansa.
Higit na palulubhain ng pinalawig na ML sa Mindanao ang kasalukuyang dinaranas na kahirapan kaakibat ng patuloy na pagtaas ng implasyon dulot ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya at pagsasabatas ng TRAIN Law sa bansa. Higit na pinahihirapan nito ang napakalaking mayoryo ng populasyon partikular ang mga manggagawa, magsasaka, kabataang estudyante, maralitang lungsod, mangingisda at pambansang minorya.
Nanawagan ang Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog sa lahat ng makabayan at patriyotikong Pilipino na tumindig at labanan ang lahat ng umiiral na mapang-aping batas at patakarang pinapairal ng reaksyunaryo, pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte. Tipunin ang pinakamalaking bilang ng mamamayan at padagundungin ang mga sentrong lungsod at lansangan ng Luzon, Visayas at Mindanao ng mga nakatutulig na protestang bayan. Dalhin sa bago at mas mataas na antas ang digmang bayan sa mga kanayunan at hakbang hakbang na itayo ang Demokratikong Gubyernong Bayan kaakibat ng pagpapabagsak sa reaksyunaryo, pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte.
Ibagsak ang pasista at tiranikong pangkating Marcos-Arroyo-Duterte!
Ibagsak, ang rehimeng US-Duterte!
Itayo ang Demokrating Gubyernong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!