Archie “Ka Ron/Soral Malaya” Arceta: Rebolusyonaryong Makata, Kadre ng Partido’t Hukbo, Martir ng Gitnang Luson, Bayani ng Sambayanan!

Pinakamataas na Pulang pagpupugay ang ipinapaabot ng BHB-Josepino Corpuz Command kay kasamang Archie “Ka Ron” Arceta o kilala rin sa kanyang mga rebolusyonaryong akdang pampanitikan bilang Soral Malaya, kadre ng Partido’t pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, martir ng Gitnang Luson, at dakilang bayani ng sambayanang Pilipino!

Kabilang si Ka Ron sa sampung magigiting at mahuhusay na pulang mandirigmang nabuwal sa isang labanan noong ika-26 ng Hunyo sa Barangay Villarica, Pantabangan, Nueva Ecija. Nasawi man, hindi mabubura at mawawakasan ng berdugong kaaway ang kanyang maningning na ambag sa pagsusulong ng rebolusyon.

Taong 2008 ay na-organisa si Ka Ron sa kanyang unang taon pa lamang sa kolehiyo sa Jose Rizal University (JRU). Namulat siya na ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa eskwelahan ay dulot ng neoliberal na mga polisiya na nagbalangkas sa kolonyal, komersyalisado, at pasistang oryentasyon ng edukasyon sa bansa. Sumapi si Ka Ron sa Anakbayan Chapter ng kanyang unibersidad at dito’y nag-umpisa siyang magmulat, mag-organisa, at magpakilos ng kapwa estudyante.

Sa parehong taon, naglunsad ang mga mag-aaral ng JRU ng Snake Rally sa loob ng kanilang campus upang ikampanya ang paglaban sa oil price hike, Reformed Value-Added Tax (VAT), at bilang suporta sa panawagan ng mga manggagawa na P125 dagdag umento sa sahod. Ngunit panggigipit naman ang tugon dito ng kanilang administrasyon kaya’t isa si Ka Ron sa 19 na mga estudyanteng pinatawan ng suspensyon. Mula dito, lilisanin na ni niya ang burgis na unibersidad upang maging mag-aaral naman ng lipunan.

Tumungo siya sa picket line ng mga manggagawa ng Kowloon upang suportahan ang kanilang welga, nakipamuhay sa maralitang mga komunidad ng kamaynilaan, tumuwang siya sa pag-oorganisa sa laban sa demolisyon sa San Roque, Quezon City at Corazon de Jesus sa San Juan, at masigasig siyang nag-organisa ng estudyante sa mga pampublikong pamantasan upang isulong ang kampanya laban sa Budget Cut ng mga SUCs, reformed VAT, price hikes, at pagpapatalsik sa pasistang rehimeng US-Arroyo. Masigla ang pakikibaka ng sektor na lumundo sa Mendiola Camp Out, libu-libong mobilisasyon at pagmartsa ng mga kabataan at estudyante mula sa iba’t ibang mga unibersidad, pamantasan, at komunidad.

Dahil sa masigasig na pagkilos, taong 2010 ay nahalal si Ka Ron bilang Treasurer at ED Officer ng Anakbayan National. Masigla rin siyang nangampanya sa panahon ng pambansang eleksyon upang ipanalo ang natatanging kinatawan ng mga kabataan sa kongreso, ang Kabataan Partylist. Ngunit batid niyang hindi sa eleksyon, hindi sa mga reporma, hindi sa pakikibakang legal tuluyang mababago ang mala-kolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan. Hindi sa parliamentaryong pakikibaka maitatatag ang tunay na gobyerno ng mahihirap, kundi tanging sa pagsusulong lamang ng armadong pakikibaka.

Kaya naman, taong 2011 ay isa si Ka Ron sa laksa-laksang kabataan mula sa lungsod na tumugon sa panawagan ng Partido na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Sa ilalim ng National Military Staff (NMS) na naka-base sa Tarlac, pinanday niya ang kanyang sarili bilang isang mabuti at mahusay na rebolusyonaryo.

Mayaman ang kanyang karanasan sa pag-oorganisa ng mga magsasaka sa kanayunan. Taong 2012-2013, naging bahagi siya ng KT-Sangay ng Platoon at District Committee na saklaw ang malawak na kapatagan ng Tarlac maging ilang bahagi ng Pangasinan. Sa sumunod naman na taon, 2014-2015, sa probinsya naman ng Nueva Ecija siya kumilos sa ilalim pa rin ng NMS.

Taong 2016, opisyal na itinayo ang mga Larangang Gerilya sa Patag (LGP) sa rehiyon ng Gitnang Luson. Mula sa pambansang istap ng Hukbo, tuluyan silang ipinailalim sa pamumuno ng rehiyon. At dito’y maitatalaga si Ka Ron bilang Kagawad ng LGP-1, o katumbas bilang kagawad ng probinsya.

Sa sumunod na mga taon, 2017-2019, matinding pasistang atake ang hinasik ng berdugong kaaway sa rehiyon. Sunud-sunod na pinaslang, hinuli, at kinulong ang mga kadre sa yunit ng LGP at maging sa buong mga probinsya ng Gitnang Luson. Dahil dito’y pinagdaanan din ni Ka Ron ang mabigat na mga krisis dahilan upang pansamantala siyang hugutin sa kanyang yunit na kinikilusan. Matapat siyang naglahad sa kanyang mga kahinaan sa panahong ito, at sa abot ng makakaya, sinikap pa rin niyang unti-unting makabwelo at makabawi.

Mapagpasya siyang umabante. Mapagpasya niyang pinangibabawan ang takot. Nagpasya siyang pangunahing tugunan ang malaking pangangailangan ng kabuuan kaysa ipreserba ang sarili. Taong 2022 ay nakabalik siya sa LGP-1, kumilos dito ng ilang panahon, bago tuluyang sumampa sa yunit ng Sierra Madre sa ilalim ng Josepino Corpuz Command.

Sa loob ng yunit, dito siya higit na nagsanay upang pandayin ang kakayahan sa larangan ng pulitiko-militar. Matiyaga siyang nag-aral at natuto lalong-lalo na sa usaping militar sa tulong ng mga mahuhusay na kumander. Punong-puno siya ng pagmamalasakit sa kapwa. Malalim ang pag-unawa at pasensya anuman ang mga kahirapan at sakripisyong hinihingi ng digmaan. Ipinakita ni Ka Ron ang kanyang mapagkumbaba at mahusay na aktitud sa mga kasama at sa masa. Matapat siyang nagpapanibagong-hubog upang iwaksi ang mga tendensiya ng kanyang uring pinagmulan. Masigasig na gumampan sa anumang rebolusyonaryong tungkulin ang italaga sa kanya ng Partido. Sa loob ng yunit, gumampan siya bilang Giyang Pampulitika at pana-panahong humahalili bilang Pampulitikang Instruktor ng platoon.

Si Ka Ron ay si Soral Malaya sa kanyang mga rebolusyonaryong akdang pampanitikan. Mula nang siya’y kumilos bilang isang aktibista, hanggang sa sumampa sa hukbo, ang kanyang mga tula ay nagsasalarawan sa malawak at malalim na karanasan sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan. Patuloy siyang mabubuhay sa imortalidad ng kanyang mga isinulat na akda.

Lumaki mula sa uri ng mababang petiburgis, at sa kabila ng burgis na pangarap para sa isang marangya at mas komportableng buhay, isinantabi niya ito para ipaglaban ang mas maginhawang bukas para sa mas nakararami. Siya ay tunay na bayani. Nakidigma upang magpanday ng mas malayang mundo para sa susunod na henerasyon. Buong-pusong niyakap ang pagsisilbi sa bayan. Habang buhay nakatatak sa kasaysayan si Ka Ron. Walang hanggan ang pagdakila sa kanya ng kapamilya, kaibigan, kasama, at masang anakpawis na kanyang pinagsilbihan at pinag-alayan ng buhay.

Mula sa mga eskinita ng lungsod, hanggang sa malawak na kapatagan ng rehiyon, hanggang sa kabundukan ng Sierra Madre, mananatili ang kanyang rebolusyonaryong diwa, hindi mauubos, hindi mauupos kailanman.

Mula sa mga pahina ng librong pampanitikan, hanggang sa paglikha ng tula sa kanayunan, tiyak na magiging mabisang armas ang kanyang rebolusyonaryong akda. Ang kanyang buhay-pakikibaka ay magsisilbing inspirasyon upang patuloy na lumaban ang mamamayan, magrebolusyon ng buong-sigasig, hanggang sa ganap na tagumpay.

Pinakamataas na pagkilala at pagpupugay kay Ka Ron, makatang mandirigma, kadre ng Partido’t Hukbo, martir ng Gitnang Luson, tunay na bayani ng sambayanan!

Pulang saludo sa Pantabangan 10! Mabuhay ang hukbong bayan! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Archie “Ka Ron/Soral Malaya” Arceta: Rebolusyonaryong Makata, Kadre ng Partido’t Hukbo, Martir ng Gitnang Luson, Bayani ng Sambayanan!