Pahayag

Bukas na liham para sa mga kasama sa milisyang bayan

Isang mapagpalayang araw, mga kapwa Hukbo sa milisya! Ipinapaabot ng pamprubinsyang kumand sa operasyon ng Jose Rapsing Command-BHB Masbate ang rebolusyonaryong pagbati sa inyo sa ika-54 anibersaryo ng ating pinakamamahal na Bagong Hukbong Bayan.

Kamusta ang buhay? Hindi naging madali ang mga nagdaang taon para sa ating lahat, laluna sa inyo. Araw-araw nating kinakaharap ang tumitinding krisis dulot ng tatlong salot na imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Walang tigil ang pagtaas ng presyo ng bilihin habang patuloy ang pagbaba ng presyo ng ating produkto. Ulan at init tayong naghahapbuhay subalit kulang pa rin ang kinikita at baon pa sa utang.

Habang pasmado tayo sa buhay na puro kahig pero halos walang tuka, patuloy ang mga nasa kapangyarihan sa pangunguna ni Bongbong Marcos sa pangungurakot at pagdambong sa yaman ng bansa. Walang tigil si Marcos Junior sa pagbenta sa Pilipinas sa mga dayuhan. Bumabaha ng imported. Inaagaw ang ating lupa para sa malalaking negosyo. Dito sa atin sa Masbate, kulang pa sa katakawan ni Tony Kho ang pag-angkin sa buong prubinsya.

Para mapreserba ang bulok na sistema, kailangan nilang gumamit ng dahas. Ito ay dahil natatakot ang kaaway sa kapangyarihan nating mga inaapi at pinagsasamantalahan. Nararanasan nating lahat ang karahasang ito sa walang katulad na atakeng militar sa ating Masbate.

Sa tumitinding krisis, walang ibang pagpipilian kundi mamatay sa takot at gutom o mabuhay nang kumikilos at lumalaban. Ang kasalukuyang bulok na sistema ay hindi na magagamot pa, kailangan na itong pabagsakin. Lalong nagiging makatwiran ang armadong pagkilos ng Hukbo at masa. Bilang mga milisyang bayan, importante ang inyong tungkulin sa pagsusulong ng digmang bayan.

Isa sa mga matitingkad na tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa Masbate ay ang makapagbuo ng malawak na pwersang milisya sa halos lahat ng bayan! Bilang mga MB, naging kabahagi kayo sa pagsisikap ng rebolusyonaryong kilusan na baguhin ang buhay ng kapwa ninyo pobreng Masbatenyo. Naging katuwang kayo sa pagtatanggol sa mga lupaing nabawi ng magsasaka mula sa mga rantsero at sa mga naitayo nating Pulang gubyerno sa bukid. Pinalakas ninyo ang armadong pakikibaka sa prubinsya bilang dagdag pwersa sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

Hindi na nakakagulat ang pagtatangka ng kaaway na agawin ang mga naabot nating tagumpay. Sa katunayan, isa sa mga target nila ay ang pagwasak sa inyong mga rebolusyonaryong armado sa baryo. Dinanas niyo ang matinding panggigipit, pagpapasurender, pwersahang pangrerekrut sa CAFGU at sa pinakamatindi, kamatayan sa kamay ng AFP-PNP-CAFGU. Hindi maikakaila ang ilan sa inyong napilitang sumurender at dumistansya sa pagkilos para takasan ang panggigipit ng kaaway. Hindi basta-basta ang mga nabuwag na organisasyon mula sa inyong hanay.

Sana’y maunawaan ninyong ang paghihirap na dinanas nating lahat ay reyalidad at bahagi ng ilinulunsad nating demokratikong rebolusyon. Ito ay sa pagnanais na magtayo ng isang bagong sistema kung saan tayo’y tunay na malaya at masagana.

Inilulunsad natin ang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Matagal ang ating digmaan dahil hindi madaling gapiin ang higit na malakas na kaaway. Subalit tiyak na magtatagumpay ang ating digmang bayan dahil nakasasalay ito sa pagkilos nating lahat, laluna ng masang magsasaka.

Kaya naman nananawagan kami sa inyo, mga kasamang MB, na alisin ang takot at pagtibayin ang determinasyong makipaggera. Sa pinakagipit na kalagayan natin mas mapapatunayan ang ating paninindigan at prinsipyo bilang mga armadong rebolusyonaryo. Sa digmaan nakasalalay ang kinabukasan ng ating mga anak, apo at mga susunod pa sa kanilang henerasyon.

Ang kasalukuyang atake ng kaaway ay lalong nagpapakita na mahalaga ang pagpapalakas ng ating milisyang bayan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong digma. Bilang mga milisyang bayan, kayo ang pangunahing pwersa sa pakikidigmang gerilya ng masa.

Kayo ay mga reserbang Hukbo ng mga pultaym na yunit. Kayo ay mga dagdag pwersa sa armadong paglaban. Kayo ang pangunahing bukal ng mga pultaym na yunit gerilya at dagdag pwersa sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Sa katunayan, darating ang panahong kayo mismo ang mangunguna sa paglulunsad ng mga reyd, haras, isnayp at demolisyon laban sa kaaway.

Kayo ang mga pinakamaaasahang suporta ng regular na Hukbo. Tumatayo kayong giya, intel at lookout ng mga kasama. Ang inyong pagkabihasa sa mga sikretong ruta at kumanduhan ay kritikal sa pag-abante ng pakikidigmang gerilya at pagbigo sa mga operasyon ng kaaway. Napakahalaga ng inyong papel sa transportasyon ng mga kasama, mga kagamitang militar, suplay at iba pang lohistika. Maaasahan kayo sa pagsurbey at pagtukoy sa pusisyon ng kaaway sa tuwing may operasyon ito.

Kayo rin ang Hukbo at tagapagtanggol ng inyong komunidad. Nakasalalay sa inyo ang buhay at kaligtasan ng inyong baryo. Kayo ang inaasahang katuwang ng mga pultaym na Hukbo sa pagharap at paglaban sa pang-aatake ng militar, pagtatanggol sa inyong komunidad laban sa mga operasyon at abusong militar. Kayo ang pangunahing magtitiyak na maipapatupad ang mga plano sa depensa ng baryo. Susi ang inyong katapangan sa pagpapatibay ng paninindigan at diwang palaban ng inyong mga kababaryo.

Totoong mas malakas ang kaaway sa armas at kapabilidad. Malamang nga’y marami sa inyo ay kapos o walang armas. Subalit ang determinasyon nating makipagdigma ang mapagpasya. Taglay natin ang pagkakaisa bilang pinakamalakas na sandata!

Kaya naman, mga kasamang MB, ihanda natin ang ating mga sarili sa hindi maiiwasang pakikidigma. Paghandaan natin ang mas matinding atake ng kaaway. Paghandaan natin ang mas matinding krisis. Paghandaan nating ialay ang ating panahon sa rebolusyon.

Huwag kayong mag-alala, anumang hirap, sakripisyo at kagipitan ay kaakibat ng ating pagsulong. Anumang takot ay magiging katapangan, anumang mahina ay lumalakas, anumang pag-atras ay patungong pagsulong. Sa ating pagkakaisa at paglaban, tiyak ang tagumpay.#

Bukas na liham para sa mga kasama sa milisyang bayan