Dakilain ang buhay na inialay ni Junalice “Ka Beata” Arante-Isita, kababaihang kadre at pinuno sa Batangas

Iginagawad ng Komiteng Probinsya ng Partido Komunista ng Pilipinas, Eduardo Dagli Command BHB-Batangas at sampu ng mga rebolusyonaryong mamamayan ang pinakamataas na pagpupugay at pulang saludo sa kadakilaan ni Junalice Arante Isita (Ka Enya, Ka Arya, Ka Ali, Ka Irene, Ka Fabian at Ka Beata). Napaslang siya kasama nina Bernardo Bagaas (Ka Mamay, Ka Mike at Ka Jhonpol) at Erickson Cueto Bedonia (Ka Ricky/Vale), mga tunay na anak ng Batangas, noong Marso 26, bandang ala sais pasado ng umaga sa Barangay Elvita (Tubahan), Rosario, Batangas.

Nakakaramdam tayo ng matinding kalungkutan at panghihinayang sa kanilang pagpanaw. Hindi matatawaran ang kanilang ambag sa pagsusulong ng rebolusyon sa probinsya. Patuloy na mananahan sa ating puso ang kanilang pamana’t tagubilin sa kasama’t masang kanilang minahal at pinaglingkuran. Sa pagpapatuloy sa kanilang naiwang tungkulin, maigagawad natin ang pinakamataas na pagdakila at pagpupugay sa kanila.

Nais naming ipaabot ang taos-pusong pakikiramay sa kanilang mga kaanak; sa pamilya ni Ka Beata laluna sa kanyang mahal na ina at mga anak, sa lahat ng mga nagluluksang kasama, mga masa’t kaibigan.

Junalice “Ka Beata” Arante-Isita sa isa sa mga larangang gerilya ng NPA-Batangas

Tubong Lipa City, Batangas at mula sa uring petiburgesya si Ka Beata. Isa siyang mahusay na manunulat at makata. Naging tanyag sa probinsya at rehiyon ang kanyang mga akda sa ngalang Adel Serafin, Belinda Bukirin, Ka Minda at Ka Enya na matatagpuan sa iba’t ibang publikasyon ng Partido sa Timog Katagalugan. Naghatid ang kanyang mga akda ng inspirasyon, pumukaw at nagpaantig sa puso’t damdamin ng masa. Masipag din siyang magturo at magbigay ng pag-aaral sa palihan sa sining at panitikan.

Mapagmahal na ina at isang mabuting anak si Ka Beata. Palagi niyang kinasasabikang makita, makapiling, mayakap at maasikaso ang kanilang mga anak. Sinikap nyang maging matatag at sa bawat panahong dinadalaw siya ng pangungulila, gumagawa sya ng tula para sa mga bata at sa kanyang mahal na ina na itinatanghal sa mga masa. Ito’y mga tulang nagpaiyak sa maraming ina at anak.

Ipinanganak siya noong Hulyo 18, 1986, panganay sa dalawang magkapatid sa huli. Pinalaki siya ng kanyang magulang na responsable, masipag, matiyaga at matulungin. Sa hirap ng buhay, maaga siyang natutong maghanap-buhay. Kapag walang pasok sa iskwela, naglalako siya ng basahang tinahi ng kanyang ina. Sanay siyang magpasingit-singit sa pagitan ng maraming sasakyan para lang makapagbenta sa mga driver at mananakay habang itinaguyod ng kanyang magulang ang pag-aaral niya. Pinahalagahan niya ang sakripisyo ng kanyang magulang kaya naman nag-aral siya nang mabuti at pumasa sa Lipa Science High School at University of the Philippines-Manila.

Sa pagpasok niya sa kolehiyo, doon siya namulat at nakikilala ang rebolusyon. Naging aktibo siya sa pagkilos sa hanay ng kabataang estudyante at kalauna’y lumabas ng paaralaan upang tumungo at makipamuhay sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Mahusay at lapat na propagandista, ahitador at edukador ng masa si Ka Beata. Matiyaga siyang magmulat, mag-organisa at magpakilos at ipinapaliwanag ang kalagayan ng bayan sa pinakasimpleng paraan, magaan at madaling maunawain. Hindi lang siya naging isang walang-kibong manonood sa kaganapan kung paano ginigipit, inaapi at pinagsasamantalahan ang mamamayan sa iba’t ibang sektor. Sa Batangas City pier, kasama at saksi siya kung paano gipitin at pagbawalan ng mga security at opisyal ng Philippine Ports Authority ang mga manininda ng Barangay Sta. Clara. Dahil dito, sumama siya sa lahat ng mga protesta ng manininda upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa maayos na hanapbuhay. Sukdulan pa hanggang sa mahuli siya kasama kanyang karelasyon at naging asawa at iba pang mga taga-suporta ng mga manininda. Ngunit, hindi siya natinag at nagpatuloy sa pakikibaka.

Nakipamuhay din si Ka Beata sa mga masa sa paaralan, riles, pangisdaan, palengke, tubuhan at iba pang dako ng kanayunan, kapiling ang masang anakpawis. Pinangunahan at pinamunuan niya ang laban at pakikibaka ng masa upang ipaglaban at ipagtanggol ang kanilang interes sa buhay at kabuhayan. Saksi siya sa tapang, sama-sama at organisadong pagkilos ng masa upang kamtin ang makabuluhang tagumpay.

Naging malakas na tinig siya ng mamamayan sa pagtatambol ng kanilang mga karapatan. Laging sumubaybay at naghahanap ng mga balita. Matalas niya itong sinusuri at batay dito’y mabilis siyang nakakapaglabas ng sagot at mga pahayag. Palakaibigan siya sa hanay ng media. kaya naman madalas siyang tinutukoy at nai-interview basta’t may kaganapan at isyu hanggang sa maging target siya ng panggigipit ng estado.

Pataksil na ginamit ng estado ang kanyang pamilya para papanghinain, supilin at kitlin ang kanyang adbokasiya. Ngunit nabigo ang estado, dahil pinili ni Ka Beata na tumindig sa tama para sa interes ng nakararami at pinakamamahal nyang masa—ang tanging nagbibigay sa kanya ng inspirasyon upang humugot ng lakas ng loob at maging matatag. Ika nga nya, “Kapag nasa krisis tayo, lagi lang nating balikan ang tanong na ‘para saan’ at ‘para kanino’ tayo.” Iisa at tiyak na tiyak ang kaniyang sagot palagi: PARA SA MASA!

Taong 2015, nagpasya siyang tahakin ang pinakamataas na anyo ng pakikibaka at iwan ang kanyang noo’y nag-iisa pang anak. Ubos-kaya niyang iniambag ang kanyang husay, talino at lakas para sa pagsusulong ng armadong rebolusyon. Bagamat noong unang bahagi ay sinukat din ang kanyang tapang, tatag at paninindigan, iwinaksi niya ang mga negatibong kaisipan at sinabing, “Kapag pinili mo ang rebolusyon, dapat buung-buo! Wala ka nang ititira.” At pinatunayan niya ito bilang masasandigan at maasahang kadre at opisyal ng BHB.

Makailang beses niyang pinangunahan ang mga kilusang masa at pagpapasigla ng pakikibakang masa sa Batangas. Nanguna siya sa pagmumulat at pagpapakilos sa masa hinggil sa malalaki at makawasak kabuhayan at tirahang mga proyekto katulad ng Geothermal Power Plant ng Aboitiz sa Taysan, Lobo, Rosario at San Juan; ang dambuhalang mina sa Lobo ng Bluebird Ventures Inc.; ang Vaccine Plant na itatayo ng Glovax sa Taysan; ang extension ng Batangas Pier; ang bagong Liquified Natural Gas Plant ng pinagsanib na Aboitiz, San Miguel Corp. at Meralco; at kayrami pang iba na pinapakanang itayo dito sa probinsya. Laging nasa unahan nito ang pagtatanggol sa kabuhayan ng masang anakpawis kagaya ng mga manininda, mga mangingisda at mga magsasaka sa mga hacienda sa probinsya.

Nakaguhit na sa kasaysayan ng Batangas ang mapangahas at malaking ambag ni Ka Beata sa pagpapalawak at pagbutas sa mga eryang napakatagal nang hindi nababalikan, kahit ng mga nauna pang yunit ng BHB. Saksi ang masa sa kawastuhan ng isinusulong na linya ng Partido sa pamamagitan ni Ka Beata. Naging mahusay siyang instrumento para mapatibay ang laban ng masang Batangueño para sa kabuhayan, tirahan, lupa, at karapatan. Hanggang ngayon, patuloy na tinatamasa ng masang anakpawis ang mga tagumpay na ito.

Nagsikap si Ka Beata na patuloy na ipalaganap ang rebolusyon sa Batangas hanggang sa balikan ang mga naiwanang lugar. Hinawan niya ang bagnos ng mga unang kasama at malinaw ang direksyon ng iniwanan niyang bakas para sa mga susunod na rebolusyonaryo.

Pilit na pinipigilan ng reaksyunaryong estado at AFP-PNP-CAFGU ang pagkalat ng apoy ng pakikibaka sa probinsya. Pinasinsin nila ang mga focused military operations upang itaboy ang BHB palayo sa masa. Desperasyon nila ito sa presensya ng BHB at patuloy na pagdaluyong ng kilusang masa sa probinsya. Bunga nito, kinaharap ng mga yunit ng BHB sa Batangas ang hambalos ng atake ng estado. Kinaharap ni Ka Beata at ng yunit ng BHB na kanyang pinamumunuan ang mabigat na hamon, buhay na batbat ng matinding kahirapan at mga sakripisyo. Ngunit kailanman ay hindi natinag at naglubay ang kanyang mataas na diwa. Hindi nagapi ang kanyang dedikasyon at optimismo, taglay ang puhunang lakas ng loob at kapangahasan upang makapagpunyagi, makapanatili, makapagpatatag at makapagpalawak.

Napakatibay ng paninindigan ni Ka Beata sa katatagan at sakripisyo. Iniambag niya nang buung-buo ang kanyang sarili sa armadong pakikibaka para hawanin at likhain ang maaliwalas na kinabukasan para sa maraming bata, tulad ng kanyang mga anak at para sa susunod pang henerasyon. Iniwan niyang mensahe sa mga kasama ang: kung titiklop tayo sa panunupil, hindi natin magagawang ipagtanggol ang kinabuksan ng ating mga anak na walang habas ngayong winawasak ng ganid at sakim na estado.

Dapat gawing inspirasyon ang buhay ni Ka Beata upang isulong at payabungin ang rebolusyon. Sa gitna ng buhay at kamatayang pakikibaka laban sa ganid na naghaharing uri at pasistang estado, malinaw na ang landas ng rebolusyon ang tanging landas na tutunguhin ng mamamayan sa lalawigan upang maipagtagumpay nito ang pambansa demokratikong pakikibaka para sa lupa, karapatan at kabuhayan tungo sa ganap na pagtatatag ng tunay na demokratikong gubyernong bayan sa isang lipunang ganap na maunlad at makatarungan.

Mabuhay ang makabagong kababaihan at rebolusyonaryong ina!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Dakilain ang buhay na inialay ni Junalice “Ka Beata” Arante-Isita, kababaihang kadre at pinuno sa Batangas