Pahayag

Ipagbunyi ang Ginintuang Taon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Paglilingkod sa Sambayanang Pilipino!

Lipos ang kagalakan at pinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Komiteng Larangan sa North Central Abra at ng mga pulang kumander at mandirigma ng Agustin Begnalen Command NPA-Abra sa pagbubunyi ng sambayanang Pilipino sa maika-50 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM). Ito ang ginintuang taon ng pinakapuspusang paglilingkod ng Pilipinong komunista sa sambayanan.

Sadyang makabuluhan at signipikante ang natamong mga tagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan sa buong bansa at sa saklaw ng ating mga larangan sa Abra. Ang tagumpay na ito ay dahil sa wastong pamumuno ng ating mahal na Partido na ginagabayan ng teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo- Maoismo. Utang natin ang mga tagumpay na ito sa ating mga rebolusyonaryong bayani na nag-alay ng kanilang buhay alang-alang sa mithiin ng mamamayan. Ang rebolusyonaryong kabayanihan ng mga anak ng Abra, mula sa iba’t ibang panig ng rehiyong Ilocos-Cordillera at ng buong bayan ay nagsisilbing maningning na tala sa kalangitan na simbolo ng pag-asa sa nalalapit na panahon ay makakamit natin ang paglaya.

Sa ating probinsya, nagsimula ang rebolusyonaryong gawain ng PKP noong 1973. Ang pagsisimulang ito ay iniluwal ng kalagayang pinaghaharian ng “kamay na bakal” ang buong bansa sa ilalim ng diktadurang US-Marcos. Tangan ng mga kabataang kasapi ng PKP ang pulang aklat ni Kasamang Mao Zedong bilang gabay, sumuong sila sa mahirap at pinakamahalagang yugto ng pagpupundar sa binhi ng rebolusyonaryong lakas ng mamamayan at ng pagbubuo ng Bagong Hukbong Bayan sa hanay ng mga tribong Itneg at ng lumaon ay lumaganap hanggang sa hanay ng masang Ilokano sa saklaw ng kapatagan. Dulot ng kamusmusan dumaan sa masalimuot na proseso ng pagsasapraktika ng teorya ng pagtatayo ng base at sonang gerilya, nakailang ulit na hinanap ng Partido ang wastong hakbang upang makakilos ang noon ay musmos pa lamang na Partido at Hukbong Bayan. Sa proseso ng panahong ito lumaganap ang nagkakaisang prenteng anti-Marcos sa mga sentrong bayan, nahamig at lumahok ang mga panggitnang pwersa sa digmang bayan kung saan signipikante sa kanila ang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Kasabay ng pasistang paghahari ni Marcos ay lumaganap ang mga proyektong dikta ng imperyalismong US. Naghuhudyat ang kalagayang ito sa ibayong kahirapan at pagsiklab ng armadong pakikibaka sa Abra. Naimarka sa kasaysayan ang maningning na pakikibaka ng pagtatanggol ng mamamayang Abrenio sa kanilang ansestral na lupain at mga karapatan nang matapang nilang nilabanan at pinatalsik ang dambuhalang korporasyon ng pagtotroso ng Cellophil Resources Corp. (CRC) na sumaklaw sa halos buong kabundukan ng Abra noong dekada 80. Ang pakikidigmang gerilya ng mamamayan sa pamamagitan ng BHB at Milisyang Bayan kasama ang mga komite sa depensa, ang lahatang paglahok ng tribung Itneg at pamumuno ang PKP ang mga susing salik sa tagumpay na ito.

Naimarka din ang panimulang paghawak ng mga maralitang magsasaka sa hanay ng tribu sa Pulang Kapangyarihang Pampulitika sa pagkakatatag ng mga Municipal Councils of Leaders (MCL) at Village Councils of Leaders (VCL) na bumubuo sa Rebolusyonaryong Gubyernong Bayan. Naipakita nito na sa pamamagitan ng pagkakaisa ng uring inaapi ay maitatayo at mapapanday nila ang sariling gubyerno ng mahihirap.

Ang natipong lakas ng Nagkakaisang Prente sa ilalim ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF), lumalakas na BHB at pamumuno ng Partido ay naging pundasyon upang muling biguin ang pandarambong ng mga patong-patong na aplikasyon ng dambuhalang kumpanya ng pagmimina mula dekada 90 hanggang sa bagong milenyo. Naging sigaw ng mamamayan ang “Buhay, Lupa at Karangalan, Ipaglaban” at “Karapatan para sa sariling pagpapasya!”

Naging matagumpay ang paglulunsad ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa buong bansa. Nagbunsod ito ng lahatang panig na pagsulong sa larangan ng Ideolohiya, Pulitika, at Organisasyon sa rebolusyonaryong kilusan sa Abra. Mula sa guho ng disoryentasyon ay muling tinanganan ng Partido at BHB ang pagsusulong ng tatlong sangkap ng Matagalang Digmang Bayan. Dahil sa muling pagsigla ng pang ideolohiya at pampulitikang pag-aaral ay muling napagkaisa at naitaas ang kamulatan at kapasyahan ng masa sa pagsuporta sa armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagpapasampa sa kanilang mga anak sa BHB. Ang maliit na platun ay mabilis na lumaki at umabot sa lakas kumpanyang larangang gerilya na magiging binhi sa pagbubuo pa ng mga bagong larangan sa saklaw ng buong probinsya.

Nagpanibagong sigla din ang pagtatayo ng mga binhi ng Demokratikong Gubyernong Bayan sa antas ng mga komunidad at tipak. Iniluwal ng kilusang ito ang pakakaroon ng pampulitika, pangkabuhayan, pangkalusugan, pangedukasyon, pangorganisasyon at pangdepensang programa sa hanay ng masa. Signipikanteng bayan ang nabenipisyuhan ng Rebolusyong Agraryo sa pamamagitan ng sama-samang pagtatrabaho, pagpapalawak ng payaw (lupang sakahan), paglulunsad ng socio-economic projects, at mga serye ng pakikibaka para sa pagpapababa ng upa sa lupa at interes sa pautang, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid, kampanyang patubig, at pagpapanalo sa mga lupang kinamkam ng kumpanya ng CRC sa upland at lowland Abra.

Nagsikap na nilabanan at binigo ng BHB sa Abra at buong Ilocos-Cordillera ang mga OPLAN at kampanya ng mga nagdaang rehimen. Natututo sa pakikidigmang gerilya ang mga pulang kumander at mandirigma na naglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga mababangis na operasyon ng mersenaryong AFP-PNP-CPLA-CAFGU na nagsisilbing gwardya ng lokal na Warlord at malalaking kumpanyang kapitalista. Ang mga natipong karanasan sa mga labanang opensiba at depensiba ay nagsisilbing buhay na karanasan at pinaghahalawan natin ng aral. Sa loob ng 50 taon na paglulunsad ng pangwawasak at pagtugis ng reaksyunaryong gubyerno ay nananatiling nakatayo at patuloy na lumalakas ang PKP, BHB at ang Nagkakaisang Prente. Dahil ito sa malalim at malawak na pagsuporta ng mamamayan sa rebolusyonaryong adhikain at dahil sa lubhang pagkakabulok at pagpapahirap ng reaksyunaryong gubyerno sa masa.

Sa mga lugar na kung saan ay malakas ang impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan ay napapanatili ang kaayusan at hustisyang panlipunan kung ikukumpara sa mga lugar na sinasakop ng AFP-PNP-CPLA-CAFGU at mga goons ng sagadsaring warlord-pulitiko na talamak ang nakawan, droga, at iba pang kriminalidad. Inilunsad ng BHB ang rebolusyonaryong proseso ng hustisya at pamamarusa sa masasamang elemento tulad ng mga magnanakaw ng kalabaw at baka, rapist, ahente ng militar, sagadsaring warlord, mga illegal na pagtotroso, atbp.

Mahigpit na pinanghahawakan ng mga kadre ng Partido ang unibersal na teorya ng Marxismo-Leniniso-Maoismo at walang pagod na nagpupunyagi sa paglalapat nito sa kongkretong kalagayan. Isa sa pinakamahalagang tungkulin ngayon ang paglalagom sa naging karanasan sa huling isang dekada upang ugatin ang partikular na mga sagka sa pagsulong at ibayong makaagapay sa bagong hamon ng pagkakamit ng mga rekisitos upang maitaas sa yugto ng estratehikong pagkakapatas ang ating Matagalang Digmang Bayan.

Sa paglulunsad ng kilusang pagwawasto ay muling lumalim ang pagkakaugat ng PKP sa hanay ng masang anakpawis. Nailatag sa mga baryo at antas ng mga bayan ang Sangay ng Partido at ang mga Sub-seksyon hanggang antas Seksyon. Sa kabila ng matitinding atakeng militar at mga OPLAN ng mga papet na rehimen ay napangibabawan ng mga organo ng Partido ang bawat tangkang pangwawasak at konbersyon nito. Kasalukuyang hamon sa mga kasapi ng Partido ang puspusang pag-aaral, praktika at pagsabak sa pakikibaka upang labanan at biguin ang diktadurang US-Duterte. Sadyang nasubok na sa mahabang pakikibaka ang Partido at lagi’t laging sinusubok ang paninindigan at katatagan nito sa panibagong yugto ng kasaysayan ng pakikibaka ng uri. Upang maipagtagumpay ang programa at panawagan ng maikalawang kongreso ng PKP higit sa lahat ay kailangan ng mahigpit na pagkakaisa ang namumunong komite na pagibayuhin ang pagkokonsolida, pagpapalawak at pagpaaunlad ng pakikidigmang gerilya.

Malinaw sa atin ang kagyat na tungkuling ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo sa pamamagitan ng Demokratikong Rebolusyong Bayan sa pamamagitan ng Matagalang Digmang Bayan, itatag ang Demokratikong Gubyernong Bayan, at isulong sosyalistang rebolusyon hanggang mapawi ang lahat ng uri ng pagsasamantala.

Sa mga darating na taon, ibayo pang magsisikap ang mga rebolusyonaryo sa saklaw ng ating larangan upang makaagapay sa lahatang panig na pagsulong at pagbalanse ng timbangan ng lakas ng rebolusyonaryong hanay sa buong bansa.

Mabuhay ang 50 taon ng paglilingkod ng Partido Komunista ng Pilipinas sa sambayanan!

Mabuhay ang Marxismo-Leninismo-Maoismo!

Mabuhay ang Digmang Bayan!

Mabuhay ang Sambayanan at ang Rebolusyong Pilipino!

Ipagbunyi ang Ginintuang Taon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Paglilingkod sa Sambayanang Pilipino!