Kababaihang Mindoreño, lumahok sa digmang bayan! Mag-armas, palayain ang sarili at lipunan!

,

Kaisa ang Lucio De Guzman Command – NPA – Mindoro sa pagdakila sa kababaihan ngayong Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis. Daantaon na ang nakalipas mula nang nagbangon ang mga manggagawang kababaihan sa Europa upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa pagawaan. Minamarkahan ng araw na ito ang giting at tapang ng proletaryadong kababaihang nagsulong ng laban para palayain ang sarili mula pananamantalang nilikha ng mapang-abusong imperyalistang sistema. Inspirasyon ng kababaihang Mindoreño ang kababaihang anakpawis ng daigdig upang magpunyagi sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya para sa sambayanang Pilipino.

Kailangang manindigan at patuloy na makibaka dahil nananatili ang matinding pyudal na pananamantala sa kababaihan sa ilalim ng mapang-aping malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Kalakhan sa kababaihang Mindoreño ay mula sa uring magsasaka, ang mayorya ng mamamayan sa isla ng Mindoro. Bukod sa makauring pang-aapi, biktima rin ang mga Mindoreña ng diskriminasyon, karahasang sekswal at kulturang machismo na nagpapataw ng dobleng pasanin sa kanila. Sa ibang bahagi ng isla lalo sa mga atrasadong pamayanan, laganap ang pagkakait ng edukasyon at serbisyong sosyal sa mga kababaihan. Itinutulak ng kahirapan ang mga kabataang babae na mag-asawa nang maaga kahit labag sa kanilang kalooban. Sinisiil ang kalayaan ng mga Mindoreñang ipahayag ang kanilang opinyon at saloobin sa loob ng tahanan at higit lalo sa mga usaping panlipunan.

Subalit nang dumating sa isla ang rebolusyonaryong kilusan, bitbit ang mapagpalayang programa nito noong maagang bahagi ng dekada 1980, lubos na niyakap ng mga Mindoreña ang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon na kumilala sa kanilang karapatan at nagsulong ng kanilang kagalingan. Sa pagsibol at paglaganap ng binhi ng rebolusyonaryong adhikain sa puso ng mamamayang Mindoreño, marami sa kababaihang Mindoreño ang nagbangon at lumaban upang wasakin ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.

Sa pagtagal ng panahon, nakilala sa isla ang mga lider-kababaihan at lider-katutubo tulad ni Juana at Budbud Usting, na magiting na lumaban kontra sa mina upang ipagtanggol ang lupa ng katutubong Mangyan. Nariyan din ang mga progresibong sina Atty. Juvy Magsino at Leyma Fortu, na kasama sa humarap sa bangis ng kampanyang supresyon ng Oplan Habol Tamaraw ng berdugong Heneral na si Jovito Palparan at ng pasistang rehimeng US-Arroyo. Sa mga sakahan, umalingawngaw ang tinig ng lider-magsasakang si Genalyn ‘Neneng’ Avelino, na pinangunahan ang kampanya sa pagpapataas ng presyo ng palay mula sa pananalasa ng Rice Tariffication Law ng kriminal na rehimeng US-Duterte.

Liban pa sa mga bantog na lider-kababaihang nabanggit na naging mukha ng paglaban ng mamamayang Mindoreño, mas maraming Mindoreña ang nagbangon upang tanganan ang pinakamataas na anyo ng pakikibaka. Nag-armas sila’t naging mga Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan. Pinakabagong martir sa nakaraang 6 na taong ngipin sa ngiping pakikibaka laban sa kampanyang supresyon ng magkasunod na rehimeng US-Duterte at ilehitimong rehimong US-Marcos II sina Ka Lorelyn “Ka Fara” Saligumba, Justine Ella “Ka Star” Vargas, Irene “Analyn“ Yam-ay, Irene “Ka Giselle” Carias, Queenie Loricel “Ka Kira” Daraman, Ailyn “Ka Pia” Serna, Lilybeth “Ka Moc” Donasco. Sila ang mga kababaihang halimbawa ng kawalang pagkamakasarili na hindi kailanman yumukod sa mga mapagsamantala at mapang-api bagkus buong giting na lumaban hanggang huling hininga.

Sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, pinatunayan ng kababaihang Mindoreño na sila ang lilikha ng kanilang kasaysayan. Lumahok sila sa makauring pakikibaka para palayain ang inaapi’t pinagsasamantalahang mamamayan habang tinutunggali ang patriyarkal na kaayusan ng bulok na lipunan. Dito inialay ng magigiting na Mindoreña ang kanilang pawis, dugo, at maging ang kaisa-isang buhay. Nakaukit na sa kasaysayan ang ngalan at pamana ng lahat ng kababaihang martir sa halos 40 taong dekadang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa isla.

Nakatudla ang rebolusyonaryong kababaihan sa Mindoro na harapin at biguin ang papabangis na pang-aatake ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Ang lumalalang krisis panlipunan na inihuhudyat ng malawakang pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka, pagpapatupad ng mga mapangwasak na proyektong mina, ekoturismo at renewable energy, walang sagkang importasyon na pumapatay sa lokal na agrikultura at hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ay lalong nagpapasidhi sa paghihirap at pang-aapi, lalung-laluna sa kababaihang anakpawis. Dahil dito, nag-iibayo ang mga pagkilos at paglaban ng mamamayan para sa kanilang karapatan, kabuhayan at kapaligiran kahit na dahas ang tugon ng pasista’t papet na rehimen.

Sa harap ng pambubusabos, pananamantala at pang-aapi, lalong nababatid ng mga Mindoreña na ang paglaya ng kanilang kasarian ay matatamasa lang sa pamamagitan ng pagwasak sa umiiral na sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal. Ito ang dahilan kung bakit mainit nilang niyayakap, sinusuportahan, at sinusulong ang digmang bayan. Sa inspirasyon ng naunang puu-puong libong babaeng nagsulong ng rebolusyon, ipagpapatuloy ng mga Mindoreña ang makatarungan at makauring digma!

Mabuhay ang kababaihang anakpawis!
Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!
Mga Mindoreña, mag-armas! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Kababaihang Mindoreño, lumahok sa digmang bayan! Mag-armas, palayain ang sarili at lipunan!