Kakailian, panagutin at palayasin ang 81st IB! Labanan ang banta ng batas militar!
Mahigpit na kinukundena ng New People’s Army – Antonio Licawen Command (NPA-ALC) ang tuloy-tuloy na pag-ooperasyon at okupasyon ng 81st Infantry Battalion ng Philippine Army sa Sityo Dandanac, Brgy. Tamboan, Besao, Mt. Province.
Batas militar sa Dandanac
Kasalukuyang umiiral sa Sityo Dandanac ang mga patakarang naglalagay sa komunidad sa ilalim ng batas militar.
Matapos ang sunod-sunod na pagkatalo ng mga tropa ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ng AFP sa kamay ng mga Pulang mandirigma noong Hulyo, ibinabaling ngayon ni 1st Lt. Jade Lyzterdan Padinas Gavino, kumander ng Alpha Coy ng 81st IB, ang kahihiyan at galit ng yunit sa mga mamamayan ng Sityo Dandanac.
Bukod sa pagpataw ng curfew, pinagbawalan ang mga mamamayan na magtungo sa kanilang mga sakahan at taniman na hindi bababa sa isang oras ang layo sa sityo.
Lantaran ang panghihimasok at paghalughog ng mga sundalo sa mga agamang, kalapaw, at mismong tahanan, habang nakakampo ang yunit sa loob ng komunidad na paglabag sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Noong Hulyo 20, dinakip ang magkapatid na sina Edmond at Saturnino Laus Dazon sa kasong illegal possession of firearms.
Sa takot na patay na ang mga alagang hayop at napeste na ang tanim na palay, nagtungo ang magkapatid sa kanilang kalapaw na malapit sa pinangyarihan ng engkwentro sa pagitan ng 81st IB at NPA noong Hulyo 14.
Dito, dinatnan sila ng di-bababa sa 10 sundalo na nanakot, nanutok ng riple, at pinaratangan silang mga miyembro ng NPA.
Hinalughog nila ang mga gamit ng magkapatid kung saan natagpuan ang dalawang homemade calibre .22 na riple.
Fake news, paninindak, pasismo
Matagumpay na nagdepensa ang mga Pulang mandirigma ng NPA-ALC sa kabundukan ng Sityo Dandanac noong Hulyo 14-15, kung saan nagtamo ng anim na patay at di-mabilang na sugatan ang 81st IB at PNP Regional Mobile Force, at nasamsam ng NPA-ALC ang apat na armas kabilang ang isang K3 Squad Automatic Weapon machine gun.
Nagdulot din ng isang patay ang NPA-ALC sa hanay ng 71st at 73rd Division Reconnaissance Company sa isang engkwentro sa kabundukan ng kalapit na barangay ng Tabacda, Tubo, Abra noong Hulyo 25.
Ayon sa ulat ng mga taga-Dandanac, magtatagal daw ang 81st IB sa loob ng komunidad hangga’t hindi nahahanap ang mga “nawala” nitong armas.
Todo-larga ang paggamit ng 81st IB sa mga tiranikong taktika ng kanilang Commander-in-Chief na si Rodrigo Duterte.
Kabi-kabila ang ipinakakalat nitong pekeng balita hinggil sa mga nagsusurender na Pulang mandirigma at mga gawa-gawang engkwentro, bukod pa sa pagtatago na bilang ng kaswalti sa hanay nito.
Bukod sa magkapatid na Dazon, ginigipit din ng mga sundalo ang mga aktibista at lider sa komunidad, at pinaparatangan ang mga ito na suporter ng NPA.
Paglaban ng mamamayan
Sa halip na magpasindak, higit pang lumalakas ang paglaban ng komunidad upang panagutin ang 81st IB sa pandarahas at pang-aabuso nito sa mamamayan.
Ipinagsawalang-bahala ng 81st IB ang barangay resolution kung saan itinutulak ng mamamayan ang agarang pag-pullout ng mga tropa ng militar sa komunidad.
Upang harapin ang ipinataw na batas militar ng 81st IB, higit na kailangan ang nagkakaisa at militanteng pagkilos ng mamamayan ng Dandanac at ng mga kalapit nitong komunidad, baryo, at munisipyo na pawang biktima ng panggagantso, paninindak, at pang-aabuso ng 81st IB at NOLCOM.
Mayaman ang karanasan ng mamamayan at pambansang minorya ng Ilocos at Cordillera sa paglaban para sa lupa, buhay, karapatan, at sariling pagpapasya.
Sa gitna ng pagtindi ng todo-gera ng rehimeng US-Duterte, walang ibang susulingan ang masang api kundi ang magkaisa at lumaban para sa ikatatagumpay ng digmang bayan. #