Laksa ang handang humalili sa mga martir ng Dolores!
Nananawagan kami sa sambayanang Pilipino at sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa na itaas ang kanilang mga kamao at dakilain ang 19 na martir ng Dolores, mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na namatay sa pambobomba mula sa himpapawid na isinagawa ng suportado-ng-US na pasistang Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Agosto 16 sa Barangay Osmeña, bayan ng Dolores, Eastern Samar.
Kabilang sila sa pinakamahuhusay na anak ng bayan na nag-alay ng kanilang buhay para sa adhikain ng pambansang kalayaan at demokrasya. Lubos na nagdadalamhati ang mga manggagawa at magsasaka sa buong bansa at ang lahat ng aping mamamayan sa buong mundo. Nagluluksa ang masa sa pagkasawi ng kanilang mga mandirigma at tagapaglingkod. Ngunit kaalinsabay, ang kanilang pagkamartir ay nagbibigay inspirasyon din sa atin na lumaban na may lalo pang pinatibay na katatagan at katapatan sa paglilingkod sa sambayanan at sa kanilang rebolusyonaryong adhikain. Habambuhay na aalalahanin ang mga Martir ng Dolores.
Ang mga nabuwal na Pulang mandirigma ay bahagi ng 50-kataong yunit ng NPA na nasa erya upang magsagawa ng gawaing pampulitika, pang-ekonomya, pang-edukasyon, pangkultura at medikal sa hanay ng masang magsasaka. Nagsasagawa sila ng imbestigasyon sa sosyo-ekonomikong kalagayan ng masa sa lugar sa layuning tugunan ang kanilang kagyat na mga problema.
Katulad ng iba pang yunit ng BHB sa rehiyon, itinutuloy nila ang kampanya para itaas ang kaalaman ng mamamayan hinggil sa pandemyang Covid-19 upang pigilang makaabot sa kanilang liblib na mga komunidad kung saan walang mga pasilidad na pangkalusugan. Mayroon din doong pangkat ng mga medic na nakatakdang operahan ang isang pasyenteng dumaranas ng luslos, at isagawa ang iba pang hakbanging medikal. Ang masang magsasaka sa lugar na matagal nang pinabayaan ng reaksyunaryong estado ay makikinabang sana sa mga serbisyong medikal at dental, literasiya at iba pang serbisyo na kayang ibigay ng naturang yunit ng BHB.
Tunay na malaking kawalan ang pagkamatay ng mga martir ng Dolores. Gayunman, pansamantalang kabiguan lamang ito at hindi bumabaligtad sa kabuuang pag-abante ng digmang bayan. Sa katunayan, sa Eastern Visayas at iba pang bahagi ng bansa, patuloy ang mga hakbang pasulong ng BHB sa pagrekrut ng bagong mga Pulang mandirigma, pagbubuo ng karagdagang mga yunit, pagpapalawak ng eryang kinikilusan, pagbubuo ng bagong mga larangang gerilya, pagtatanggol sa mamamayan laban sa armadong panunupil ng AFP at paglulunsad ng mga taktikal na opensibang bumibigwas sa pasistang mga halimaw. Sa takdang panahon, muling bubuuin ng bagong mga rekrut ang naturang yunit gerilya ng BHB sa Dolores upang ipagpatuloy ang naiwang gawain ng nabuwal na mga bayani.
Nakatakdang biguin ng BHB ang deklaradong layunin ni Duterte na durugin ang armadong rebolusyon bago magtapos ang kanyang termino. Hindi lamang malalagpasan ng BHB si Duterte, tiyak na magiging mas konsolidado at buo ang kapasyahan nitong lumaban para sa sambayanang Pilipino at isulong ang pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Dapat kundenahin ang AFP sa pambobomba at pag-iistraping mula sa himpapawid, at panganganyon. Labis-labis ang mga sandatang ito at sobra-sobrang lakas laban sa kanilang katunggali, taliwas sa itinatakda ng internasyunal na batas sa digma. Sinasabing “matalino” ang mga “smart bomb” ng AFP na mula sa US, pero ang totoo, ang mga ito’y tanga at hindi kayang pag-ibahin ang armado sa di-armado, ang kombatant mula sa sibilyan. Laganap ang pagkundena sa pambobomba mula sa himpapawid dahil sa pagdulot nito ng malawakang pagkamatay ng mga sibilyan sa Afghanistan, Pakistan, Yemen, Palestine, Syria at iba pang lugar kung saan gimamit ito ng imperyalistang US. Sa kaso ng pambobomba sa Dolores, hindi napag-iba ng mga bomba ng AFP ang mga medic sa pasyente, at iba pang di-armadong tauhan na wala sa katayuang lumaban.
Dahil sa kanilang kabiguang kubkubin at gapiin ang mga pwersang gerilya ng NPA na nagtatamasa ng hindi natutuyong suporta ng masa, gumagamit ang mga duwag na teroristang maton ng rehimeng US-Duterte ng pambobomba at pang-iistraping mula sa himpapawid. Dapat ipagbawal ang mga teroristang armas na ito dahil nagdudulot ang mga ito ng maramihang pagkamatay ng di-armadong mamamayan, nagsasapanganib sa buhay ng mga sibilyan, nagdudulot ng labis na takot sa libu-libo laluna sa mga bata, at winawasak at sinisira ang kapaligiran at mga ari-arian.
Dapat patuloy na humalaw ng mga aral ang mga yunit ng NPA, paunlarin ang mga taktikang gerilya, itaas ang kakayahang pampulitika at pangmilitar, patibayin ang kanilang disiplina at higit na palalimin at palawakin ang suporta ng masa upang panatilihing bulag at bingi ang kaaway upang biguin at ipawalangsaysay ang kanilang paggamit ng malalaking armas. Sa kalaunan, mapatutunayang walang-saysay ang pangmilitar na superyoridad ng kaaway laban sa pampulitikang superyoridad ng BHB at sa pakikidigmang gerilya at pagkabihasa sa pisikal at panlipunang tereyn.
Habambuhay na pahahalagahan ng sambayanang Pilipino, ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang mga sakripisyo ng mga martir ng Dolores. Ang kanilang kabayanihan ay laging magbibigay-inspirasyon sa masa at sa mga Pulang mandirigma na labanan ang mga pasistang terorista, mag-aklas laban sa mga mapagsamantala at mapang-api, magtanggol sa kanilang mga karapatan at magsulong ng adhikain para sa pambansang pagpapalaya at katarungang panlipunan.
Maaaring nawalan tayo ng ilang mahuhusay ng Pulang mandirigma, ngunit laksa-laksa pa ang dadaluyong upang humalili sa kanila bilang bagong mga Pulang mandirigma ng magiting na hukbong bayan.